Walang Pangalan

Enero 27, 2023

May drayber sa rutang Navotas-Monumento ang kabalen ko pala. Hindi basta kabalen. Nagkataon na ang baryo niya (San Roque) ay kalapit baryo ng Talang kung saan ako nag-aral ng haiskul. Hindi ko masasabing kaibigan ko ang drayber na ito. Malapit lang sa puso namin ang isa’t isa sa tulak ng pagiging magkabalen namin. Kuwento nga niya, sa ilang beses na naisasakay niya ako, naririnig daw niya akong nagsasalita ng Kapampangan kapag may kinakausap ako sa selpon. At iyon daw ang nagtulak sa kanya na kausapin ako nang maisakay niya ulit ako. Hindi na niya ako pinagbabayad sa pamasahe simula noon kapag natitiyempo na ang dyip niya ang nasasakyan ko. Nakakahiya nga! Minsan nga, grupo kami, anim, kasama ko si Jenny at dalawang anak ko at mga biyenan ko — ang drayber na ito ang napara namin. Ipinipilit ko ang pamasahe naming anim kahit todo ang tanggi niya. Nakakatuwa. Minsan, sa buhay pala, may nagiging parang kakampi ka kahit hindi mo talaga kaibigan. Kahit walang salitaan, naroon ang parang ugnayan sa isa’t isa. Kahit matagal ulit bago magkikita, kapag nagtagpo ulit, parang kaibigan pa rin. Noong mag-pandemic nga, kahit paano ay naiisip ko siya. Paano ang naging buhay niya? Nakakabiyahe ba? At nalaman ko, kahapon na ang dyip ulit niya ang napara ko — na naiisip din pala niya ako noon. Na hindi niya ako naisasakay sa kanyang pamamasada — naiisip niya na umiba na ako ng linya. At masarap sa pakiramdam ang realisasyong ganito na sa laot na ito ng pakikipagsapalaran sa lunsod, may paisa-isa na natitisod na kadamay.

At balintuna — na may mga anyo kami at hindi mga banyaga sa isa’t isa . . . kahit hanggang ngayon na nananatiling hindi magkakilala sa pangalan.

Wesley So
Champion 2017 Tata Steel Chess Tournament
Nakakabilib ang batang ito. Sunud-sunod ang pamamayagpag sa malalaking torneo. Nakalulungkot lang na dahil sa parang walang lubos na suporta sa larong chess ang gobyerno, mas piniling kumawala sa tali ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) at ngayon ay naglalaro bitbit ang bandila ng United States Chess Federation (USCF). Nakalulungkot at kasabay ay nakatutuwa rin. Nakalulungkot sapagkat dahil sa batbat ng katiwaliang sangay ng gobyerno, ang isang talentadong Pilipino na gaya nitong si So ay kailangan pang bitiwan ang hawak sa watawat ng bansa para sa ikatutupad ng kanyang pangarap. Nakatutuwa, dahil ano at anuman, Pilipino pa rin. At nakabibilib na isang Pilipino ang umuukit ngayon ng pangalan sa kasaysayan ng larong chess sa mundo. At sa malapit na hinaharap, kung tuluy-tuloy ang pamamayagpag — hindi malayong maging world chess champion na kahanay ng mga Wilhelm Steinitz, Emmanuel Lasker, Jose Raul Capablanca, Boris Spassky, Bobby Fischer, Anatoly Karpov, Garry Kasparov, Vishy Anand at Magnus Carlsen.
Congratulations, Champ!
Pilipino!

THE BIKE

Enero 17, 2017

The bike seems old now. The bike has acquired corrosion and can’t work well anymore. It’s seemed it’s only a year ago when the bike is a useful creation of the world. Now, it’s rusty and old and useless and was now a filthy rug in the eyes of the boy that owns it. Old Damian in the nearby apartment sees the bike of his neighbor just how he pityingly sees himself. Forsaken and abandoned by those that once benefited in his strength.

FLAW OF THE WORLD

Enero 3, 2017

It is sunup. The boatman, being serious and was so accustomed to silence is so irritable to the two men and a lady that were aboard the boat and now were standing and were talking to each other.

“Wish, they get off now. They are fucking noisy. Wish, they know I need silence. Wish, they know it,” said the boatman to himself so irritably. The boatman is now rowing the boat arrogantly and with show of anger. The three friends noticed it and choosed to be silent.
Now, got off from the boat and were walking in the street, the three resumed talking to each other.
“That boatman is a sore!” The lady told her friends.
“He is deaf and mute that is why he is irritable.” Said one of the man who is short, stout and ugly to his friends. “It is a sort of envy. Secretly hating those that reminds his flaw.” He continued.
“Oh, I see,” said the other man who is tall, handsome and muscular. “Now I know why you hates me!” And then he laughed. The lady laughed harder. And the ugly man just scratched his head. “My foul mouth!” He said to his friends happily.

BREAK UP STORY

Disyembre 25, 2016

Seryoso ito!

Kagaya ng tao, ang isang bagay na malimit mong kasama ay nagiging parang karugtong na ng iyong hininga. Himala na kung dati ay solong katawan ka, malaya sa bawat kilos, walang iniintindi, ngayon ay hindi na makaalis kung wala rin lang sa tabi. Bitbit, nakabulsa o kaya ay nasa bag kahit hindi ginagamit. Ganyan ang sitwasyon namin ng dyurasik kong selpon noon hanggang ngayon. Isang matapat na kasama sa loob ng limang taon. At naiintindihan ko sa pangyayaring ito ang damdamin niyong mga “pinapalitan o iniiwan” ng mga karelasyon. Iyong “pagmumukmok at kawalang-sigla”, iyong akala mo ay “katapusan” ng lahat para sa kanila. Ipinakita at ipinaunawa ng dyurasik na selpon ko. Aba, kahapon pa nagmamaktol simula nang iabot ni Misis ang batil na selpon na regalo sa akin! Na-lobat agad, nag-iinit ang katawan noong isaksak ko sa charger. At kanginang subukan kong  gamitin, nag-blink ang ilaw at kasabay ay dumilim. Sinasabi yata: “Doon ka na sa batil na selpon mo! Ayaw ko na sa iyo! Salawahan!” Resulta, eto, tumipa at gamit ang batil na selpon ay isinulat kung paano nahati ang mundo naming dalawa. Na dati ay hindi mapaghiwalay at laging magkasama.
Ngunit tuloy pa rin ang ikot ng mundo! Iniisip kong ipamigay na lang upang madulutan ng saya.
At kagaya sa isang bagay, ganyan din yata ang batas ng eksistensiyalismo sa bawat tao. Hihinga pa rin, may isang kukupkop at kakalinga, pagkatapos ng inaaakalang “kamatayan” mula sa isang pakikipaghiwalay sa dating paboritong kasama.

1. Hindi natin siya gusto bilang lider.
2. Hindi siya, sa paningin natin, epektibong lider.
3. May kilos at galaw siyang ayaw natin sa isang lider.
4. May minamanok tayong iba bilang lider.
5. Atat tayong maupo ang minamanok nating lider.
6. Atat tayong pamunuan ng inaakala nating mahusay na lider.
7. Atat tayo sa pagbabago at naghahanap lagi ng ideyal na lider.
8. Ayaw nating nabibigo at nagmamarakulyo lagi sa mga asal na taliwas sa gusto natin sa isang lider.
9. Ayaw nating hindi sumusunod sa atin ang isang lider.
10. Gusto nating tayo ang lider.

SAYAW

Oktubre 26, 2016

Nagsasayaw siya. Sinong magsasabing hindi? Umeere ang tugtugin sa radyo ng dyip at sinasabayan niya. Ipinikit muna niya ang kanyang mga mata. Iginalaw niya ang kanyang ulo, patango-tango, pailing-iling, patango-tango, pailing-iling. Pabuka-buka ng bibig, sumasabay sa awit. Ang nakasapatos na paa, itinatapik-tapik niya sa suwelo. Sumasayaw siya. Walang dudang hindi.

Ako, nagmamasid at naiisip si Jenny sa sinasabayan niyang kanta:

. . . So, what’s the glory in living?
Doesn’t anybody ever stay together anymore?
And if love never lasts forever, tell me what’s Forever For?. . .

WALKING DEAD

Oktubre 25, 2016

Nakasakay mo sa dyipni ang dati mong paboritong  barbero. Siya ang takbuhan mo noong pa-bagets ka pa at nahihilig sa tabas na barber’s cut. Ngunit hindi na ngayon, komo tanggap mo nang tumatanda na at dapat iakma ang porma sa edad. Hindi niya gamay ang gusto mong gupit na army cut kaya lumipat ka sa barberyang kakumpitensiya niya. At mula nga noon, hindi ka na napapasyal sa kanya.

Nakasakay mo nga ngayon. Napatingin sa iyo. Pagkuwan, inilayo ang tingin. Ipinako sa malayo, doon sa daang tinatalunton ng sasakyan. Nakuha mo ang kahulugan. May pait para sa kanya ang ginawa mong paglipat ng pinagpapagupitan.

Lalo pang luminaw, komo siya ang unang bababa, malaman mong ang suot niya ay statement shirt pala. Pababa, nakabalandra sa likuran ng suot niyang damit ang katibayan ng pag-amin niya ng pagkatalo sa kakumpitensiya. Mababasa mo: “Army cut sucks!”

At totoo, hindi mo na kailangang manood ng isineseryeng Walking Dead, upang maunawaang sa buhay — ang daming naglalakad na zombie sa mundo.

SAGOT SA BIRO

Oktubre 16, 2016

Biro ng isang bisor, sa tuwing may kamanggagawang nakabibili ng sasakyan, ako raw ay nakabili na rin, sabay bitaw ng punchline na hindi ko lang maaaring i-park sa parking area kasi tumatae at baka ipatawag ako sa HRD. Kalabaw pala ang tinutukoy niyang sasakyan na nabili ko, na sa gayong biro, riot sa pagtawa ang bisor, na parang gusto pang magpahabol sa akin na animo ay tinitiliang bata.

Sa totoo, hindi ako pikon sa biro. Malalim ang kahulugan sa akin ng kalabaw. Ang kalabaw ay maaaring simbolo ng malakas, kaya nga may tinatawag na atletang nangangalabaw o manggagawang trabahong kalabaw, na ibig sabihin, ay hindi namimili ng trabaho. At bilang hayop, totoong ito ay isang sasakyan din. Hindi ko na ituturo pa ang panahong kopong-kopong, na ang daloy ng transportasyon, upang mailikas ang tao’t mga bagay sa iba’t ibang pook, ay dili iba’t sa pamamagitan ng mga hayop. Isa na nga rito ang kalabaw.

At naisulat ko na lang din, gusto kong magpakatotoo. Sa pagpapakatotoo, siyempre ay ang pag-aming minsan ay inambisyon kong magkaroon ng pag-aaring kalabaw. Cool para sa akin ang dating. Lalo kung mapaparami. Nasa isip ko lagi ang isang simple at hindi masyadong malaking bahay sa nayon, gulay-gulay sa paligid, may mandala ng dayami sa likurang bakuran, kamalig, nangakatali ang higit sa sampung bilang ng nasabing hayop sa nakayungyong na kawayanan kasama ng kanilang mga bise-bisero. Sa umaga, libre ang gatas na pampasigla sa katawan. Isang tinatawag na paraiso.

O, e kesa naman sa sampung kotse na hindi mo naman lahat masasakyan, problema pa sa garahe at nakadaragdag sa polusyon at pagkasira ng ozone layer, sa kalabaw, nakasisiguro kang may maituturing kang kaibigan, humihinga, at ang etat, pampalusog sa lupa. Tutugon pa sa iyong damdamin. Pruweba? O, e subukan mong tanungin ang kalabaw, ang isasagot niya: “Oongaaaaaaa”.

​Sinusubukan ko ulit manood ng pelikula ng walang tokis (sound) kasabay ay binibigyan ko ng interpretasyon base sa eksenang nakikita. Tiyempo ito na paluwas ay sa kadulu-duluhang upuan ng bus (sinadya ko naman talaga) napaupo. Pelikulang Inglis, aksiyon, ang inabutan kong isinasalang ng konduktor sa player nila bago naniket. Gaya dati, para akong usyosong namboboso sa paligid. Sa mga unang sequence, siyempre ay pakapakapa sa daloy ng kuwento hanggang sa kahit paano ay nagagap rin sa wakas ang bisyon ng pinanonood. Tungkol sa terorismo pala. Isang partikular na eksena ang tila malinaw na nakatatak sa isip, malinaw na malinaw kahit ang usapan. Gabi iyon. Sakay ng maliit na bangka, isasagwan ng bida (nagpapanggap na bangkero) ang tatlong misyonaryo, isang babae at dalawang lalaki. Sa laot, makakasalubong ang mas malaking bangka (de-motor) na kinalululanan ng walong lalaking armado. Paiilawan ng isa ng dalang flashlight ang maliit na bangka. Nakatayo na ang bidang bangkero sa unahang panig ng bangka. Ang tatlong misyonaryo na nangakasuot ng sumbrero ay magyuyuko ng mga ulo sa kanilang pagkakaupo. Makikilala ng nagpapailaw ng flashlight na babaing maganda ang isa sa mga sakay ng maliit na bangka. Sasabihin, “You may leave, except the lady! She’d come with us!!” Mahihintakutan ang babae. Sasaklolo ang bidang bangkero. Usap-usap. Mapilit ang lalaki. “No! She’d come with us or you’ll all die!!!” Ikakasa at iuumang ang bitbit na mahaba sa mga sakay ng maliit na bangka. Siyempre, doon iiral ang heroic act ng bida. Ang bilis, bida e, makayuyuko at mailalabas ang nakatagong mahaba (kasado na) sa lugar na kinatatapakan, maipuputok at mauubos ang mga armadong sakay ng bangkang de-motor. Tapos, katahimikan. Tapos, makakabawi ang isang lalaking misyonaryo at magagalit sa bida at igigiit ang dahilan kung bakit nagtutungo at naroroon sila sa lugar na iyon. “What you’ve done? We’re here to give peace a chance!! Magagalit din ang bida. Pipitserahan ang nagagalit na misyonaryo. Ilalapit ang bibig at ididikit sa tenga nito saka magsasalita. “What peace you’re talking about? Those men gonna take and probably would rape your friend. Now, you talk peace?! Fuck you!!!!” Lalayo ang kamera. Ipakikita ang bangka. Sasagwan na ulit ang bida sa gitna ng dilim.

Sa isip ko, ‘Wow, lupit!! Sala sa init, sala sa lamig!’

BAKLA

Pebrero 19, 2016

​Nakatikim ka ng umbag noong haiskul sa ginagagad mong naglalakad na kababaryong six-footer na bakla. Hindi ka sana pinapansin, nakulitan lang sa mga chanting mong hindi niya nasikmura at tuluyang ikinapikon. “Baklang gubat, tuhugin ng sibat! Unggoy, unggoy, iluto sa apoy!” Tawa ka pa nang tawa. Paulit-ulit. Iyon, noong ikaw ang binalingan, suntok dito at suntok doon ang ginawa, Hindi mo malaman kung paano sasalag. Mabuti at naroon ang bespren mong si Rex, umawat, kung hindi ay tuluyan kang nilamog.

Naging mabuti kayong magkaibigan ng bakla, na pinatawad ka matapos mong malimi ang pagkakamali at humingi ng dispensa. Libre ka, kayo ni Rex, ng gupit sa kanyang minimintineng beauty parlor. Kaya sino ang magsasabi na hindi natatapos sa pagkakasundo ang anumang sigalot?
At ang matindi, balintuna, natuklasan mo, hindi lahat ng leksiyon ay itinuturo sa paaralan. Hindi ka man nakatapos ng pag-aaral, masasabing hindi ka naman hikahos ngayon, kayo ni Rex, na bagaman at mga lalaking-lalaki, ay naambunan ng biyaya, sa pakikisosyo sa negosyo ng inyong kaibigang bakla.

journal

Pebrero 16, 2016

i lost five games out of eight in a chess game to an old man this morning. there were many onlookers and i could hear all of them sighs whenever i failed to convert my winning positions into an actual win. no buts and alibis. just a little bit sorry but with a feeling of relief. every lost are learning lessons and what i learned today is enormous that it may lift my soul and this feeling of always wanting to have something to write. it is said, “when you play to a child, let him win.” i think, “same goes when you play to an old man”. the picture of the old man in my mind is a good imagery. sweet victories. winning over a possible defeats. making him a happy soul. and that is an enough consolation for my lost.

i remember my own old man.

sa barberya kangina, ginugupitan ng barbero ang kapwa barbero at pinag-uusapan ang pulitika. maka-duterte ang barberong gumugupit habang maka-roxas ang barberong ginugupitan. ungkatan ng baho ng kanya-kanyang manok. kesyo ganyan, kesyo gano’n, kesyo ganito. nauwi yata sa bahagyang pikunan. noong matapos ang panggugupit, napansin kong maganda sa harap ngunit tabak-tabak sa likod ang nalikhang obra. natawa ako nang pilihim.

ako na at kinausap ko ang barberong gugupit na maka-duterte pagkaupo ko sa silyang gupitan. “bos, digong ako. dating gupit. gandahan mo ang likod, ha?” wika ko.

nakita ko ang galak sa mga mata ng salbahe.

puyo at lipunan

Pebrero 9, 2016

may pagka-judgemental ang matatandang kapitbahay noong araw. natatatakan, kaya kalaunan ay iyon  na ang nagiging karakter ng bata, base sa dami ng puyo ng buhok. at halimbawang sa kakulitan (bilang bata) ay makagagawa ng kabulustugan, agad na sasabihin ‘marami kasing puyo iyan, e. salasalabid pa.’ iyon tuloy, naitutulak ang bata sa pagkakaroon ng katangiang sa totoo ay ikinapit lang ng malupit na husga ng lipunan. na kung pinairal lang ang bukas na isip at tinatawag na heart of compassion, walang lilitaw na potensiyal na bagamundo.

ngunit mabuti na lang, sa gitna ng predikamenteng ito ng mapuyong bata, mayroon siyang inuuwiang tahanang ipinaiiral ang tinatawag na heart of compassion na iyon. na naniniwalang pagkabuguk-buguk man ng itlog, lilitaw pa rin ang pakinabang. na sa walang humpay na kalililimlim, milagrong mapisa at lumitaw ang bagong nilalang.

parang ikaw.

SA PAUPAHANG BAHAY

Disyembre 8, 2015

Ang paupahang bahay ay may dalawang palapag at okupado ng dalawang pamilya na hindi personal na magkakakilala. Nagkasundo, dahil malaki ang bahay, na maghati upang mandin ay magkatulungan sa pagbabayad sa buwanang upang kinse mil pesos. Natoka sa ibaba ang pamilya Limpangog, sa taas naman ang pamilya Lontoc. At kahit gayon ang nangyari, nananatiling iwas sa isa’t isa ang bawat pamilya. Ang dahilan ay palamura ang pamilya sa taas, palasimba naman ang mga nasa baba. At sa pangyayaring ito, ang dalawang tinedyer, si Tere (ng Lontoc) at Caloy (ng Limpangog) ang higit na apektado. Tinutubuan ng paghanga sa isa’t isa ang dalawang kabataan dangan nga lamang ay tutol ang kani-kanilang magulang.

Ngunit ganito ang nangyari isang umaga. Isang maikling sulat ang iniabot ni Tere at binasa ni Caloy.

“Tangina mo! Kung gusto mo ako, ligawan mo na’t magpapaligaw na ako sa iba. Tado ‘to. Torpe!”

Iyon. Sugod ang ayaw maagawan.

At huling balita ko, nagkatuluyan. Naging mabuting asawa at ina naman si Tere.

TALANG GUNITA ISANG UMAGA

Disyembre 7, 2015

image

Inihatid ngayong umaga si Sandy sa pinapasukang school. Tumawid ng bangka sa badeo upang mas mabilis. Nakatayo habang sumasagwan ang binatilyong bangkero, pinagmamasdan ko ang kapaligiran. Doon at dito ay mga gumigiray na barung-barong at mga kinukumpuning barko. Tatlong batang lalaki ang lumalangoy at naliligo kahit maaga pa. Napukaw ang tingin ko sa dakong harapan. Animo sinisilaban ang silangan sa papasikat na silahis ng araw. Sinubok kong pitikin ang selpon kung magiging maganda ang kuha. Paalala na rin sa sarili, sa panahong mag-uulyanin na, na may umagang ganito — may bahid man ng dilim at kawalang katiyakan — masaya pa rin hinaharap ang araw at ginampanan ang pagiging ama.

Nakatingin pala sa akin si Sandy. Nagkakamot sa ulo. Sinasabi yata sa sarili:

“Ay, naku! Ang tatay kong mahilig magretrato . . .”

KING BARBARIAN

Nobyembre 25, 2015

tatlong gabi ko nang nasasakyan ang dyipning kulay dilaw na may plakang pry 656. minamaneho ng payat ngunit pasensiyoso sa matabang asawang drayber na tatlong gabi na ring sumasama sa kanyang nagwawasing. giyera-giyerahan ang mag-asawa sa sana ay tandem nila sa hanapbuhay. diskarte sa kalsada ang dahilan. gusto ng babae ay gapang habang ratrat naman ang lalaki, rumerepeke ang mura kung nagpupumilit. siyempre, di ko na sasabihin pa kung sino ang nagwawagi sa tagisan ng dalawa. wala, walang dugo at lamang nagkalat sa loob ng dyipni. tanging kahihiyan lang (ng
pasensiyosong drayber) na aywan ko ba, sa likod ng isip ko, may paghangang tumitindig. gayong kapayat-payat . . .level 10 king barbarian sa aking tingin.

Sa barberya kangina, inabutan kong nakasalang sa silyang gupitan ang isang batang lalaki. Mga apat na taon siya, mataba at sobrang likot. Maya’t maya ang tingin at nakikipagngitian sa salamin sa nanay niyang nakaupo sa sopang hintayan. Tabak-tabak tuloy ang nalilikhang gupit ng barbero. Naghabol sa pagtabas upang mawala iyong mga uka. Iyong dating malabong na buhok ng bata, noong matapos ay semi-kalbo. Bumagay naman. At pinuri ng nanay. “Galing, a! Husay!”

Nagtaka ang nanay kung bakit hindi nagpabayad sa gupit ang barbero.

Hindi ako bata ngunit naglumikot ako habang ginugupitan para malibre rin sana ng bayad. Naaalala lang na dapil nga pala ang ulo ko at hindi babagay ang semi-kalbo kaya tumahimik.

Tuwing Linggo o kaya ay sa mga araw na wala akong pasok, niyayaya ako ni Sandy na mag-C4 sa umaga. Ibig sabihin, gamit ang bisekleta, aangkas siya sa akin at lilibot kaming dalawa sa dakong iyon ng Navotas na diumano ay dating tambakan ng basura, dinebelop ng lokal na pamahalaan at ngayon ay lugar terminal ng bus, joggingan, taebohan, at pasyalan ng mga lokal na residente.

Sa bawat Linggo ng umaga na ginagawa namin ni Sandy ang routine naming ito, nadadaanan namin sa bisinidad ng Daanghari, sa ilalim ng lamp post doon, ang isang lalaking nakatalungko, lagi, sa ibabaw ng isang tipak na bato. Mapagmasid ang bunso kong ito. Itatanong niya sa akin mula sa aking likuran kung paanong nakaliligo ang lalaking iyon. Saan daw ba ito nakatira? Saan kumakain? Siyempre pa, maglulubid ako ng kuwento upang mabusog ko nang paliwanag ang kanyang munting isipan. Sa pagkain, itinuturo ko ang mga kalapit na karinderya at lugawan. Inaabutan ‘ka ko siguro siya ng mga iyon. Sa tulugan, posibleng iyong nabubulok na dyip sa kanto ang nagsisilbing pahingahan. Kung paanong naliligo? Sahod ulan o kaya ay mabilisan niyang itinatambog ang sarili sa dagat; sa Badeo kuwatro o sa tres, para may deskripsiyon ng lugar. Hindi na gumagamit ng sabon. Sapat nang mahiluran at mabanyusan ng tubig ang katawan. Nasa ilusyon kong nakanganga si Sandy sa mga paliwanag ko. Hindi naniniwala at hindi tanggap na gayon lang kasimple ang misteryo sa likod ng lalaki. Anu’t anuman, gayon nga namin iniraraos na mag-ama ang mga araw ng Linggo o mga araw na walang pasok.

Kangina, ang trapik malapit sa dakong iyon ng Daanghari. Alas-tres pa naman ang report ng pasok ko sa planta. Ang daming taong usyoso. May shooting daw yata, sabi ng isang kapwa pasahero. Ang likot ng mata ko. At kasabay ng pagkakatuklas ko ng sanhi, nanghinayang ako na hindi ko kasama si Sandy. Ito sana ang isang tipak na sagot sa kanyang mga tanong:

” Minsan, may mga araw na dumarating sa lugar ang isang
babaing matulungin, kinakaray ang lalaki sa magara niyang bahay, inaandutan ng pagkain at iniuutos sa mga alalay na paliguan sa garahe ng bahay. ”

Olrayt! Tapos na ang sigarilyo ko.

Work muna!

Totoo. Hindi lahat ng kamatayan ay iyong napupugtuan ng hininga.
Halimbawa, huwag na nating ilayo, doon sa Facebook ay isa-suggest sa iyo bilang ‘People You May Know’ ang retrato at pangalan ng taong kilalang-kilala mo. May ilan kayong mutual friends kaya tiyak mong ito nga. Kababata, kaibigan, kapitbahay, kaklase, o lahat ng papel ay ginampanan kung paano ka nahubog bilang tao. Nagkawalay lang kayo noong nagsilaki na at nagkapamilya at nagsipanirahan sa kung saan-saang lupalop. Hahatagan mo ng ‘friend request’. Maghihintay ka ng confirmation. Oras, araw, linggo, buwan, at aabot ng taon, saka mo maaalalang dalawin ang kaniyang timeline kung bakit inabot ng gayon katagal na walang tugon. May mga bagong post doon at naka-public, na ibig sabihin ay aktibo. At higit, parang unday ng punyal, makikita mo –nananatiling ‘you sent request’ ang status mo gayong walumpung mutual friends ang nadagdag na sa inyong pagitan mula nang huli kang maglatag ng pakikipagkaibigan.

Totoo. Ang kamatayan ay hindi lang iyong napupugtuan ng hininga. Madalas din itong makikita, nakabaon ang kalawit, sa dati ay matimyas at masayang pagsasamahan.

HUNYO 14, 2014

Hunyo 14, 2014

Military time ang format ng orasan ng dyurasik kong selpon. Kangina, naalimpungatan, sinilip ko, 15: 23 ang basa ng halos nakapikit ko pang mga mata. Nakuwenta ko yata habang nakatapak pa ang ulirat sa panaginip, inakala ko na past five na, at lihim kong ikinatuwa. Tinatamad akong pumasok sa trabaho ngayong gabi at tamang-tama ito na mayroon akong maidadahilan. “Naleyt ng gising, e”, sasabihin ko kay Jenny. Kaya, gano’n din lang na past five na, ayon sa bigla kong basa, lalo kong ipinikit ang mga mata. Upang kung aakyat si Jenny para ako gisingin, siya pa ang kagagalitan ko. “Ano’ng oras na? Alam mong alas kuwatro ako gumagayak!” Kaya lang ikinainip ko ang paghiga kaya ipinasya kong bumaba na lang. Napa-“Santisimang mag-ersisyo!” ako nang tingnan ko ang orasan sa ibaba. Wala pa palang alas kuwatro. Kaya hayun, ipinasya na lang na gumayak. Kumain, naligo; ngunit buo ang pasya na magpa-file ng undertime ng alas kuwatro o alas singko ng madaling araw upang makapagpahinga nang maaga. Sa lahat ng mahirap aminin sa asawa, lalo sa mga anak, sa totoo lang, ay iyong liliban ka sa trabaho dahil sa katamaran. Nakakabawas ng yabang sa bahagi ng lalaki!

At bakit ko nabanggit ang napakapersonal na bagay na ito?

Mangyari kasi, habang nakasakay dito sa shuttle bus at nag-a-update sa facebook, napansin kong flooding ngayon sa newsfeed ang ukol sa araw ng mga ama. Bukas pa kung tutuusin, ngunit pinaaga ng mga sabik na netizens. At sa mga nababasa, napapangiti at napapatango ako sa pagsang-ayon sa mga papuri at pagdakila sa mga ama. Gano’n! Gano’n nga ang mga tatay! At ang totoo ay mga vulnerable rin at hindi iyong mga inakala natin noon na mga superman!

At dahil isa rin akong ama, itong paghugot ko ng paa mula sa katamaran ang ituturo kong sariling ambag na testimonya.

#stressdiary
Hunyo 14, 2014
18: 15

HUNYO 13, 2014

Hunyo 13, 2014

Friday the 13th pala ngayon. Nitong dakong hapon ko lang napansin. Nakatambay sa labas ng bahay at nagpapalipas ng oras bago gumayak sa pagpasok sa trabaho, may dumaang dalawang tinedyer na babae sa harap ko. Narinig kong himutok ng isa sa kanyang ‘teh (kaibigan lingo nila), malas raw siya ngayong araw na ito dahil nakita niya ang ‘hayup’ na boypren na may kaakbay sa Dulong Tangos. Hindi na raw niya kinompronta. Bebrekin na lang daw kapag muling nakita. Siyempre, nakikisimpatiya ang ‘teh niya. Mas matalim ang lumabas na salita sa bibig patungkol sa pobreng talusirang lalaki. Bago tuluyang lumagpas sa kinapupuwestuan ko, narinig ko pang sinabi: “Na-friday the 13th ka, ‘Teh!”. Patungkol sa kamalasang sinapit ng kaibigan. At iyon . . . iyon kaya ko napansin kung anong klaseng biyernes nga meron ngayon.

Malas nga talaga ang friday the 13th, sa totoo lang. Sa kaso ko na lang, umagang-umaga kanginang pag-uwi, sinalubong ba naman ako ng pagkatamis-tamis na ngiti ni Sandy. Yumakap pa. At noong iniandot ko ang pisngi ko, mabilis na kumis, na sa karaniwang araw ay kailangan ko pang pilitin. Hindi pa pala tapos, may naalalang iabot. Bracelet na loom band! Gawa raw ng kanyang mommy kagabi para sa akin. Kung aabutan ka talaga ng malas, oo. Minsan, sunod-sunod at pagkasarap-sarap!

Sayang! Inabangan ko ang dalawang tinedyer na mag-‘teh na muling dumaan bago ako tuluyang sumibat upang gumayak na sa pagpasok sa trabaho, kaya lang bigo ako. Sasabihin ko sana sa beki lingo with matching pilantik ng daliri: ”Teh, maz luz valdez ang fez mow kung dehins mo go go go zagu ang pag-break the leg sa papa boom boom boom mow. . .!”

#stressdiary
Hunyo 13, 2014
17: 23

HUNYO 12, 2014

Hunyo 12, 2014

May pasok ngayon kahit holiday. Mag-isa rito sa Caltex-Balintawak. Inip na sa kahihintay sa sundong shuttle bus. Nabilang ko na kung ilan ang malulungkot at masasayang taong nagdaan. Nakatapos na nang magsulat ng tulang kapampangan tungkol sa kalayaan. At kangina, oo kangina — may mag-asawang nag-aaway sa tabi ko. May dala-dalahan ang babae at kasama ang tatlong maliliit na anak. Iyong pinakamaliit, pang-apat at wala pang isang taon, kilik niya at pinadeddede sa feeding bottle. Pasapyaw na narinig sa kanila, sugarol at babaero ang lalaki kaya iiwanan na ito ng katalong asawa. Nagmamakaawa ang lalaki. Magbabago na raw. Hindi na raw uulit. Hindi nagpahinuhod ang babae. Noong may dumaang bus na biyaheng Dagupan, pinara at sumakay. Litong nakasunod ang tatlong maliliit na anak habang palingon-lingon sa naiwang nalulungkot na ama.

Sa anyo ng umalis na bus, nakita ko ang larawan ng kalayaan! Ganito ito kasakit para sa iba.

#stressdiary
Hunyo 12, 2014
18:15

HUNTO 11, 2014

Hunyo 11, 2014

Muntik na akong mapaaway kangina sa dyip. Sinisisi ko ang mahahaba kong hita. Nakaupo malapit sa estribo at wala namang balak umidlip, ipinikit ko saglit ang mga mata. Nakakaharang na pala ako sa mga daraan ay hindi ko pa napapansin. Isang lalaki na bababa sa Sangandaan ang padaskol na tumabig sa akin. Napadilat ako. Maliit lang na lalaki na nakakalbo na, baka kaedaran ko. Nakatayo na sa daan at ang sama ng tingin sa akin. Nag-dirty finger pa! Siyempre, hindi ako nagpahalata na nasindak. Itinapak ko kunwari ang kanang paa ko sa estribo at akmang bababa (na sa totoo lang, hindi ko naman talaga gagawin). Mahina pala sa psywar. Bigla, walang lingon-lingon na tumawid sa kalsada na parang napaliguan na pusa. Nahimasmasan ako. Para saan ba ang paggawa ko ng stressdiary kung padadala sa init ng ulo?

Kaya heto, isinulat ko.

Sining ng pagtitimpi bilang 1. Sikretong gawing katatawanan ang kaaway.

#stressdiary
Hunyo 11, 2014
08:20

HUNYO 10, 2014

Hunyo 10, 2014

Nakapulot ako ng leaflets sa sinakyan kong dyip na patungong Navotas kanginang pauwi. Gagawin ko sanang pamunas sa naangihan ng ulan na upuan ng dyip pero nanghinayang ako. Itinabi ko muna sa loob ng bulsa ng body bag ko at binalak na sa bahay na basahin habang nagpapaantok. Iyong problemang basa sa upuan ng dyip, pinatuyo ko sa mabilis na pagpahid ng lipakin kong kanang palad.

Nakahiga ngayon sa katre, nalaman ko na isang panawagan pala ang leaflets para sa paglahok sa pambansang pagkilos sa Hunyo 12. Magsisimula umano ng alas tres ng hapon sa Liwasang Bonifacio at magtatapos sa martsa papuntang Mendiola. Kayganda ng laman ng leaflets. May drowing ng nakarehas na baboy na kamukha ng pig sa sikat na video game na Angry Birds, nakasulat sa ilalim ng drowing ang ‘NO TO PORK COVER UP!”. Ang buod: “Pinagtatakpan ni Pangulong Aquino ang mga kaalyado niyang sangkot sa pork barrel scam at tumututok lang sa iilang karibal sa pulitika. Hindi rin totoo na tuluyang binuwag ang pork barrel. Kaya nga binansagang Pork Barrel King si Aquino dahil nananatiling sa kanya ang malaking pork.”

Ako ba, naniniwalang may cover up? Hindi ko masabi. Idadaan ko siguro sa pagsasaala-suwerte. Parang pagpili ng tiwaling pulitiko. Ikakara-krus ko, halimbawa. Kapag kara, oo. Kapag krus, hindi. At yamang nakahiga ako sa katre, uupo ako ha? Kukuha ako ng piso na nakalagay sa headboard. Pipihitin ko na sa ibabaw ng katre, ha? Hindi ako mandadaya. Promise! Oooopppsss! Teka sisilipin ko.

Malungkot! Napakalungkot!

Ang pisong pilak na may nakaukit na ulo ni Rizal ang nagsabi at hindi ikaw o ako.

#stressdiary
Hunyo 10, 2014
09:15

HUNYO 09, 2014

Hunyo 9, 2014

Kinakalkal ngayong umaga ang taguan ni Jenny ng mga mahahalagang papeles upang kunin sana ang numero sa opisina ng APEC Plans (dating Pacific Plans, Inc. na naging Lifetime Plans, Inc. bago ang kasalukuyang pangalan.) Tatawagan ko sana para mag-inquire tungkol sa educational plan ni ChinChin. Magkokolehiyo na sa susunod na taon ang bata. Sa dinig ko, balak nitong kumuha ng Aeronautical Course. Madugo ito kapag nagkataon! Kaya ngayon palang, nililinaw na kung itong plan na nakuha para sa kanya ay covered ang school na nais na pasukan. Mabuti at wala naman yatang problema, ayon sa ‘boses anghel’ na babae na nakausap ko sa kabilang linya. Sa bata raw ang ‘school of choice’, ang sa kanila, ‘pag-issue lang ng tseke’. Harinawa!

Kinakalkal ko nga ang taguan ng mga papeles ay nakita ko ang tulang ito na nakasulat kamay ko. Ginawa ko para kay Jenny at siguro ay naisama niya roon. Pangit! Pero okay lang. Ang mahalaga sa akin. sa pana-panahon ay napagbibigyan ang hilig kong ito sa pagsusulat. Ang hiling ko lang, huwag lang magaya sa akin si Chinchin na dakong huli na nang mapansin ang totoong hilig — ito ngang pagpapalipad ng diwa at hindi pakikipag-ulayaw sa mga eroplano. Hindi mo man naitatanong, ganito rin ang kinuha ko noong kurso. History repeats itself ba ang peg? Huwag sana!

Eto ang tula. Hindi nagbabago ang mensaheng gustong sabihin:

SA AKING MANYIKA

pinipili ang mga salita
maging takbo ng diwa
upang kaipala’y maperpekto
at lubos na maunawa mo
halaga mo sa buhay ko.

sa dinami-dami nitong
naglisaw na babae sa daigdig
bakit nga ba sa iyo pumintig
itong nagpipihikang pusong
nahirati nang pinid?

tadhana! simpleng salita
umugnay sa ating kaluluwa
upang kaipala ay makialam
at tahakin ang landas
na sadyang nakalaan.

ngayong narito na tayo
sa iginuhit na palad ng mundo,
ang dating isang pantasya
ngayon ay isang reyalidad
na nagtataglay ng responsibilidad.

hindi ko man ito
madalas na sabihin,
sana maunawaan mo
ang pagiging ako
ay pag-ibig sa iyo.

sasabihin ko pa nga ba
kung talos mo na?
panahon man ay lumipas
sadyang ‘di pa rin kukupas
pag-ibig kong sakdal-wagas.

#stressdiary
Hunyo 09, 2014

11:17

HUNYO 08, 2014

Hunyo 8, 2014

Napapadalas itong pagyayaya ni Sandy na pagbibisikleta tuwing Linggo ng umaga, lalo na kung change shift ako at panggabi na kinabukasan ng Lunes. Kunsabagay, bonding moment din naming mag-ama. Iaangkas ko siya sa likod na upuan ng nabiling surplus na Japan bike (hindi natitiklop), yayakap siya sa bewang ko, saka lalarga na kami pa-C4, doon sa dating tambakan daw ng basura, pinaayos ng lokal na gobyerno at ngayon ay tinatawag nang Central Terminal o Centennial Park, o sa mga lokal na residente ng Navotas– C4 lang! Joggingan, taeboohan, bisikletahan, at paradahan ng mga bus na humaharurot sa Metro Manila.

Ipinarada ang bike sa malapit, umupo ako sa breakwater at pinabili ko si Sandy ng dalawang ‘malauhog’ sa abot-tanaw na magbubuko para inumin naming mag-ama. Sinisipsip na niya ang kanya noong bumalik. Hindi niya inabutan ang kinakausap (ini-interogate?) kong batang babae na nakaupo kangina sa tabi ko. Malungkutin ang mga mata ng batang babae! Sobrang mahiyain! Nag-iisa lang, hinala ko ay nakatira lang sa malapit. Dadalawang impormasyon lang ang napiga ko sa mahiyaing bata. Diumano, katorse na siya at hindi nakatuntong ng paaralan kailanman. Kung bakit? Hindi ko nalaman. Binugaw na siya ng mga pagtatanong ko. Saan ko nga ba nabasa ang kaisipang ito? “May kinukuha o idinadagdag ang pagkakaroon o pagkawala ng edukasyon sa isang tao . . . iyon ay ang pagkakaroon o pagkawala ng tiwala sa sarili.”

Saka nga dumating si Sandy bitbit ang mga pinabili ko.

“Uuwi na tayo pagkatapos nito?” tanong ko habang sinisipsip ang nakaplastik na malauhog na buko.

“Opo, Daddy, ” Nakamasid siya sa mga taong nagdya-jogging sa palagid.

Pumepedal pabalik, pinagbabalakan ko ngayon na maghanap ng mahihiramang monopod. Mai-selfie ko man lang itong pagbibisekleta namin ni Sandy. Sa gayon, pagtanda’t ulyanin na, may mababalikan akong retrato o bidyo na may simple ngunit importanteng pangyayari palang ganito sa buhay ko.

#stressdiary
Hunyo 8, 2014
9:53

HUNYO 07, 2014

Hunyo 7, 2014

Ngayong araw, nalaman kong totoo ang sinasabing ‘may sustansiya rin sa mga walang kuwentang salita na lumalabas sa bibig ng mga itinuturing nating mga layak ng lipunan’. Kinailangan ko lang intindihin upang maunawaan ang angkop na aral sa akin.

Nag-aabang ng masasakyan, binabasa ko ang nakasulat na anunsiyo sa establisimento sa katapat na daan:

St. Peter Maternity Clinic

Services offered:
*Paanakan
*Dengue
*Tuli
*Wound Dressing
*Blood Pressure
*Blood Sugar
*Complete Blood Count
*Paps Smear
*Flu
*Others

Binabasa ko ay may nagbabasa rin pala na nakatayo sa tabi ko. Kinalabit ako kaya ako napalingon. Lalaki. Walang bakod ang harap sa pagkakangiti sa akin. Magulo ang buhok. Gulanit at marungis ang suot na damit. May sayad, sa tingin ko.

“Bos, . . .magkano ka. . .ya . . . ang . . . tuli?” kunwari ay nahihiyang sabi.

Kabisado ang mga gayong pasakalye, inabutan ko agad ng limang piso. “O, siguro ay uubra na ‘to.”

“Bos . . . naman . . . seryoso ‘ko.” Nagkamot ng ulo. Ngunit kinuha pa rin ang iniaabot kong limang piso. “Pangarap . . . ko . . . matagal . . . na . . . Twenti payb lang . . . ako . . . ngayon. Bata . . . pa . . . ‘Di pa . . . siguro . . . huli, Bos . . . ‘di ba?”

SInang-ayunan ko na lang para matapos kami. Pero tinandaan ko ang sinabi. Lumipat ako ng lugar na pag-aabangan ng masasakyan. Noong muli kong tingnan ang lalaki, nasa harap na ng isang tindahan at bumibili.

Kaydalang ng dyip. Pero, heto, may paparating! Sinipat ko ang wristwatch ko. May oras pa. Kung masasakay ako, hindi pa ako mahuhuli sa pupuntahan. Darating akong . . . SAKTO lang!

#stressdiary
Hunyo 7, 2014
7:23

HUNYO 06, 2014

Hunyo 6, 2014

Paano ko ba sasabihin ito sa paraang hindi lalabas na didactic?

Ang alam ko kangina ay gising na ako. Nakahiga, bukas na bukas ang tenga. Naririnig ko sa butas na bubong ang kaluskusan ng mga naglalampungang pusa; umiingit ang gate sa pagpasok sa loob ng bahay ng kauuwi pa lang na kapitbahay; may naghahanda ng almusal; may nanonood na ng TV sa di-kalayuan; may nagwawalis sa kalye. Kaya ang alam ko talaga ay gising na ako, at ayaw lang munang bumangon. Gusto pang magpainin sa higaan bago tuluyang harapin ang bagong araw.

At mananatili sana sa kalagayang iyon kung hindi lang pinukaw ng ginagamit na alarm clock at hilain sa muling pagkakahulog sa panaginip.

“Sa karanasan, madalas itong pagkabaon sa tulog sa pagpapatumpik-tumpik.”

#stressdiary
Hunyo 6, 2014
05:27

HUNYO 05, 2014

Hunyo 5, 2014

Sakay ng dyip pa-Monumento ngayong umaga, nakasabay ko ang isang kumpare. Kuwentuhan at bidahan kami sa biyahe ay pasulyap-sulyap pala siya sa statement shirt na suot ng batang lalaki sa aming harap. Siniko niya ako at itinuro. Nangati ang mga mata ko sa nabasa: “When Dad said NO . . . ask Mom!” Ang bigat ng inilalahad na imagery sa akin.

Sa Sangandaan, noong akmang tatayo upang bumaba na ang batang lalaki kasunod ang umaalalay na kuya, sinabihan ng kumpare ko, mahina nga lang, “Boy, ambait siguro ng tatay n’yo, ‘no?”

Napalingon ang kuya.”Opo . . . Paano n’yo po nalaman?” kunot-noo na itinanong.

Sa akin sinabi ang sagot dahil tuluyan nang nakababa ang dalawa.

“E, kasi, pambihira ang tatay na may lambot ng dibdib na makauunawa at makapagpapasensiya sa paminsan-minsang pagkaatribida ng mga nanay.”

Napangiti ako. “Gano’n ka yata kasi kaya alam mo.” Hindi ko natiis na nasabi.

Hindi umimik, tila namalikmata, pumukol pa ulit siya ng isang sulyap sa dalawang batang naglalakad na sa bangketa.

#stressdiary
Hunyo 5, 2014
06:55

Hunyo 04, 2014

Hunyo 4, 2014

Kauli ku nabengi menibat obra, disnan ke ing bage a maka-LBC. Inabut ne kanaku ning asawa ku. Balu ku nung nanu ya, siyempre pa. Libru! Ing ‘The Only True Eye’ nang Papa Osmubal, talaturu/talasulat/poetang kapampangan a makabase ngeni king Macau. Ing libru peparala neng Joey Magno-Sotto kanaku menibat kareng kopyang pegkatiwala na kayang Papa ban pamye kareng tawung buri nang pidinan. Na metung ku pin karing midinang kopya, metung ne iting galal para kanaku. Buri na mung sabyan, ating kikilala kanaku (bista man e ku ramdam king sarili) na metung ku ping talasulat. At o’t asabi ku ini, uli nang i Joey ing aakit kung masugid a talatuki’t mamye sikanan lub kareng sablang kapampangan a talasulat o miki inklinasyon king nanu mang adle ning sining. Malyari ne sigurung awusang ‘patrona da reng poeta’t artist a kapampangan’ , king kanaku mung palage.

Kayari kung minapun, tambing keng biklat ing malating libru. Minuna keng linawe ing libutad a bulung o pahina ban keng asanakan nung anti ya ing daralan nang kamaisan o belwan. Makanini kung mamasa, libutad pa, ban akit ku nung interesante ya ing metung a lalang. Nung ing panlibutad, marukat ne o malagu, nanu pa ta ing panarap at panggulut. Salamat at dinugpa ya king gamat ku ing librung ini.

Oini ing kanakung abasa:

pillow
(a reminder from a professional bum)

when after waking
you have no memory
of your dreams

consult your pillow–

it has not only your loose hairs
but also all the dregs
of your lost and wasted whispers

#stressdiary
hunyo 04, 2014
06:17

HUNYO 03, 2014

Hunyo 3, 2014

Libre ngayong araw ang leksiyon tungkol sa loyalty at — mabigat mang sabihin –pagtalikod! Habang may pakinabang pa ang isa sa isa, naroon ang loyalty, tatalikod lang kung wala nang mahuhuthot . . .

Kahapon pa parang kasuyo na pinagtataksilan ng FACEBOOK 0 ng Sun, ang tanging libre sanang magagamit na access sa Facebook para sa selpong dyurasik. Hindi kasi nakapag-update kahapon ng entry sa sinusulat na stress diary dahil hindi makapag-log in. Ang totoo, motibasyon na rin sana sa hilig sa pagsusulat itong #stressdiary (libre audience pa!) kaya masama ang loob. At kangina, sa kapipilit nang kapipilit, sinabihan through text na hindi na applicable itong dyurasik na selpon sa FACEBOOK 0 nilang sandalan sana ng mga gustong mag-FB ngunit walang-wala. Ang saklap! Ngunit ayos lang. Tuloy pa rin ang daloy ng buhay.

Pinagbabalakan ngayon ang paglipat sa Globe o Smart. O kaya, huwag nang mag-FB pansamantala. At sa paglipat na lang sa Smart o Globe, may pagpapatumpik-tumpik pa, baka kasi mangyari sa sarili ang natatandaang aral sa isang nabasang dagli (kay Dr. Rolando Tolentino yata) hinggil sa kinasasapitan ng ‘nanlalaglag’. Hindi ko kabisado pero halos parang ganito yata:

Ito (ang nanlalaglag) ang nakakaranas ng ‘pagkabasag’.”

 

#stressdiary

Hunyo 03, 2014

O6:20

Hunyo 2, 2014

Hunyo 2, 2014

Weekly ang shifting sa pinaglilingkurang kumpanya. Pang-araw ngayong lunes kaya maagang gumising. Sa sinakyang dyip na pa-Monumento, may nakatabing istudyanteng babae (haiskul) na kuntodo kolorete sa mukha, nakasu-suffocate rin ang iwinisik na cologne sa uniporme! Nag-flashback tuloy ang utak noong haiskul pa at isang istudyante na sakit sa ulo ng mga guro. Simple ang mga babae. Uniporme, complimentary shirt na pamigay tuwing Pasko ng mga kumpanya at ng mga mandarambong na pulitiko. Luho na ang ipinahid na Johnson & Johnson na pulbos sa mukha. Baon, piso na pambili ng cornbits o kaya ay belbekwa at kending tira-tira. Ang pinakaayaw lang noon, wala man lang kahit isa sa mga rare beauties na kaklase ang pumatol sa mga love notes na isinulat sa palara. Na sa isang pagkasawi, natatandaan ang katapangang muntik nang sumisid sa sapa ng Tabon.
At, oo nga pala, bukod sa mga rare beauties, may isa pa pala noon na pinakagusto — Si Miss Salac! Ang di-kagandahan at patpating guro, na sa kabila na isang sakit ng ulo sa kanya, ay matapat na nagsabi (personal lang naman) na may itinatago raw na talento sa pagsusulat. At gustung-gusto — sa totoo lang — ang ‘pagkakamali niyang iyon’ na narinig!

Ngayon, nakaupo sa shuttle bus at nagsusulat ng mga notes, naiisip, sa sariling karanasan, “kailangan lang yata sa mga paaralan ang magkaroon ng may ‘mata’ na mga guro upang mapaisip at magtino ang makulit o bagamundo nilang istudyante . . .”

#stressdiary
Hunyo 2, 2014
6:47

Hunyo 01, 2014

Hunyo 1, 2014

Nag-undertime ng alas singko kanginang madaling araw. Nilalakad ang daan papuntang kanto ng Pacheco na pag-aabangan ng traysikel pa-Malinta Exit, nakasalubong ang isang maitim na pusa na may hinahabol na daga. Saglit muna silang tinanaw bago ipinagpatuloy ang paglalakad. Naniniwala ba sa malas? Hindi! Karaniwan pa nga ay suwerte ang ganito.

Patunay?

Isang biyernes trese, nakapulot ng isang daang piso sa kalye!

Okay, aamin, habang sinusulat ang entry na ito (pasensiya na po!), walang naligaw na magandang kapalaran. Pero iyayabang naman, pagkagising kangina ng alas tres ng hapon, at pagkaligo, nag-biking kasama ang mag-iina. At pumepedal habang sinususundan ang mag-iina gamit ang hiniram nilang mga bisikleta, magandang kapalaran na rin sigurong matatawag (kahit puno ng krisis) iyong magkaroon ng buo at masayang pamilya!

Makapagbasa nga muna ng “The Black Cat” ni Edgar Allan Poe sa tablet nang ma-nosebleed at masabing nagdedeliryo lang kaya kung ano ang nasasabi.

 

#stressdiary

Hunyo 01, 2014

19:12

TUNGKOL SA STRESS DIARY

Mayo 31, 2014

Gusto kong mag-journal araw-araw kaya naisipan ko ito. Nabasa ko sa isang anger management book ang tungkol sa pagdyoyornal sa istilong stress diary.    Sa ganitong paraan ay makikita mo raw ang mga bagay-bagay na nagdulot sa iyo ng stress. At dahil nga nakikita mo sa pamamagitan ng dyornal mo, madali mo nang maiiwasan at mabibigyan ng solusyon sa susunod. Nakakaaliw din ang paggawa. Aaminin ko, gusto ko. Motibasyon din kasi sa pagsusulat. Sa totoo lang.

At sa kasusulat ng stress diary pa-tweetum ekek chenes, nadi-divert ko rin pala talaga ang init ng ulo. Halimbawa, ngayon lang, sa Monumento, sasakay ng dyip pa-Malinta Exit, dalawa ang naniniket para sa pamasahe. Isang pang-Malinta at isang Pang-Meycauayan. Nagtanong ako kung kanino sa kanila magbabayad ang Malinta lang. Itinuro ng isa ang kasama, nagpakara pa: “Sa kanya! Tatlumpung taon na tayo rito, hindi pa natin matandaan? Anong katontohan iyan?” Na tinawanan ko lang. “Pasensiya na, ” kako, “dati akong naka-Porche. Naibenta ko lang kaya engot mag-commute.” Nakapag-isip siguro. Humingi ng dispensa.


Kung karaniwang pagkakataon iyon, ang isasagot ko — malamang: “Bolang ka pala! E nagtatanong nang maayos ang tao, kung anong kawalang utak ang isasagot mo. Gago!”
Ang stress diary daw ay anti-stress. A sure tool to manage anger. Ngayon, alam ko na.

Subukan mo!

 

Mayo 31, 2014

Mayo 31, 2014

Alas dose y medya kangina. Breaktime. Gamit ang mahabang karton bilang banig, nahiga ako sa patyo ng planta. Wala naman akong balak matulog. Gusto ko lang iunat ang likod.

Nakatulog pala ako. O binangungot pa yata. Sa bangungot, presidente raw ako ng bansa. Binigyan ko raw ng hanapbuhay ang mga walang trabaho. Pinagtataasan ko rin ang kanilang mga sahod. Ang mga walang tirahan, pinatayuan ng bahay. Binigyan ng sariling mabubungkal na bukid ang mga magsasaka. Kung anu-anong reporma (disporma) ang isinagawa bago dinemolis ang kongreso at senado saka nagbitiw sa puwesto. Malas lang at nagising. Sentensiyado na sana ng bitay sa salang pagtataksil daw sa bayan. Saka umugong. Hudyat na tapos na ang breaktime.

Weird, ano?

Sana lang totoo.

#stressdiary

Mayo 31, 2014
01:55

Mayo 30, 2014

Mayo 30, 2014

Kaarawan ngayon ni Kuya Derick. Pinsan ko. Matanda sa akin ng isang taon. Kapitikan ko ng tenga noong bata.

Binisita ko ang phonebook ng dyurasik kong selpon kanginang umaga. Tatawagan ko sana o kaya ite-text. Magantihan ko man lang sana. Hindi, hindi sa kung anumang kabutihang loob na ginawa sa akin, kundi prank call o prank text sana na ikagagalit niya ngunit siguradong ikangingiti at baka dahilan para maalala niya, na may isang panahong bertdey ko rin, pumapel siyang malupit na prankster sa buhay ko na muntik nang hindi magpatahimik sa akin. Ngunit sayang! Wala na pala siya phonebook ko. Naiwala ko nga pala (na-snatch, ang ibig kong sabihin) minsang naglalakad sa Monumento, ang dating mas dyurasik na selpon kong gamit kung saan naroon ang kanyang contact number.

Sayang itong mga inihanda kong text.

“Happy birthday, Honey! It’s been a long time since we bed. Miss it badly. Really!”

Ganito! Ganitong-ganito ang text kasi niya sa akin isang bertdey ko. Nagkataong si Misis ang nakabasa at kalahating araw akong hindi kinibo sa galit. Lumamig lang nang tawagan ko ang prankster at malaman na si Kuya Derick pala.

Ang ibig ko lang talagang sabihin sa sulat ko, Stressdiary, na kapag may pinsan-kakampi kang gaya nito, riot ang buhay pero masaya. Iyon bang “it’s the thought that counts”. At gusto ko iyong naalala niya ako sa kaarawan ko.

Happy birthday, Derick! Masarap yatang bumalik sa pagkabata at magpitikan muli ng tenga!

#stressdiary

Mayo 30, 2014
13:32

Mayo 29, 2014

Mayo 29, 2014

Swear, ganito ang nangyari kanginang alas siyete singkuwenta ng umaga. Sa SM Monumento, iyong dating Ever Emporium, sumakay sa karag-karag na dyip na kulay dilaw, waluhan, may palikpik sa tagiliran, iyong tinatawag ng mga mahaharot na Batman. Pagkasakay na pagkasakay, sa tabi ng matandang drayber, bayad agad ng trese pesos, sabay bilin na kung maaari ay pakigising sa Dulong Tangos kung ako ay maiidlip. Hindi yata ako inintindi ni Tatang, habang nagpupuno, itinuloy ang pakikipagkuwentuhan sa kapwa drayber na nakatayo sa kanyang tagiliran. Ayos lang sa akin. Sa pagkakakilala ko sa mga drayber, matandain sa mga gayong mga bagay, pati sa mga nagwawantutri sa pamasahe, kaya wala akong kaba sa alzheimer ni Tatang. Alam ko! Drayber yata ang Papa ko!

Ginising nga ako ni Tatang at sa dulo nga. Pero may mali! Iyon ay sa Hulo. Sakop ng Malabon at hindi Navotas. Sa pagkakaalimpungatan, naitanong sa sarili kung ano ang ginagawa ng bokporokpok na Batman na iyon sa sakayang dapat ay para sa bumibiyaheng Letre, Sangandan, Malabon-Bayan at Navotas lamang? Pero hindi na bale iyon. Magkatapat na magkatapat lang ang kasalukuyan kong kinalalagyan sa dapat kung puntahan. Dagat lang (o ilog ba?) ang pagitan. Sasakay lang ako sa Badeo-Singko ng bangka at patatawid sa ibayo. At iyon nga ang ginawa ko.

Nakatayo habang sumasalunga sa agos ang sinakyang bangka, ayoko munang sisihin ang sarili. Kayganda yatang pagmasdan ng nasasapol ng mga mata kong barungbarong sa kanilang pagkakapit-bisig!

#stressdiary

Mayo 29, 2014
12:55

 

Mayo 28, 2014

Mayo 28, 2014

Nagising ngayong katanghaliang tapat na humihilab ang tiyan. Sa banyo, naliligo si Chin-chin, o sa termino ni Sandy ukol sa mga seremonya ng kanyang ate sa paggamit ng banyo, “natutulog”. Sobrang tagal! Mabuti at hindi ako inabutan nang sa wakas ay “magising”. Pag-upo ko sa trono, dunk agad. Hindi ko man lang nakuhang ‘makaidlip’. Pinuna ni Sandy, “Ang bilis mo, Daddy!” Biniro ko. Mahina lang para hindi marinig ng kanyang ate. “Oo, malamok, e. Sa taas na lang ako matutulog. Di baleng mainit!” Napangiti ko siya.

Dito sa taas, humilab ulit ang tiyan. Pakikiramdaman ko muna. Hindi muna ako bababa kung sa tantiya ko ay naroon ang makulit na bata. Baka kasi magpakara ng: “O, ano, Daddy, titiisin mo na ang lamok kesa init?” Pero biro ko na lang ito. Bahagi ng totoong pagpapaantok. Mamayang alas-tres, paggising, saka na lang kakain.

#stressdiary

Mayo 28, 2014
12:30

 

May 27, 2014

Mayo 27, 2014

Magdamag pinawisan sa paghahanapbuhay kagabi. Pauwi kanginang umaga, hindi nakapaghilamos o nakapaghugas man lang ng kamay. Walang tubig sa planta. May inaayos raw kasi ang NAWASA.Sakay ng bus, kimi sa pagkakaupo katabi ang matandang matabang babae. Isiniksik ang sarili sa tabing bintana sa pagkaasiwa, siksik pa rin nang siksik ang matandang matabang babae. Hindi nakatiis, tumayo at naghanap ng bakanteng upuan na malilipatan. Nakaismid na nakatingin ang matandang matabang babae. Sa C-4 road, bumaba. Doon din pala bababa ang matandang matabang babae. Sa dakong likuran, habang naglalakad, inilipad ng hangin sa tenga ang patutsada.

“Kasuplado! Kung hindi pa amoy Durian!”

#stressdiary

May 27, 2014
17:00

May 26, 2014

Mayo 26, 2014

Bago umalis sa bahay ngayong hapon, binitbit ko ang nakita kong pink na payong sa lagayan ng mga gamit sa school ni Bunso. Makulimlim at baka abutan ng ulan sa daan. Hindi ko nagamit! Nakasakay na ako sa dyip nang bumagsak ang malakas na buhos. At sa Monumento, kahit may mahihina pang patak, kinuha ko sa takbo at pagsukob ng dalang backpack sa ulo. Ang dahilan naman, hindi na pala bumubukas ang pink na payong, may malaking kagat pa ng ‘mababait’ ang tela. Kaya ngayon, nakasakay sa shuttle bus, pinatutuyo ang suot na damit sa sandalan ng upuan, isinuot na lang na pamalit ang baong uniporme. Nagsuklay na rin nang bahagya sa buhok gamit ang mga daliri para pogi.

Ipaaalala ko nga pala kay Misis ang tungkol sa sirang payong upang maibili ang bata. At ako rin . . . para boyscout na laging handa!

#stressdiary

May 26, 2014
18: 10

KALABIT SA SARILI 12

Abril 19, 2014

Magdili-dili keng bale. Magpapak atsarang gawa Pampanga kabang manalbeng The Bodyguard nang Kevin Costner. Aliwang klasi tagana. Lulsut keng dila ing yumu ampong ing nyaman a malambat nang pamitan. Aganaka ku, kanitang mangalati kami, neng miki okasyun, ikaming mikakaedarang mipipisan ing totoka da reng mangusinang makatwa a mialinlinang talpak (pitutugasan pamu reng bitis keng danum ban luminis, siyempre) king makakatsang ginadgad a sagiwang papaya ban mataktak la katas; saka de pamu bulugan pineapple, carrot, sibuyas ampong aslam. Aminan ku, kanita pa, metung ne ing atsara king kanakung paburitu. E basta atsara, hane — nune Atsarang Pampanga!

Ngeni, kabang mamapak kabang manalbe, isipan ku na maragul yang bage keng metung a tau ing pamangang menibat king lugal a keragulan na. Maniwala ka at ali, didinan ne nining dagdag a lasa ing pagkakakilanlan na bilang tau.

Metung a pruweba?

Lawan mu, mekapangamanu kung kapampangan a ala keng oras.

Kanyaman!

 

KALABIT SA SARILI 11

Abril 13, 2014

Ang gusto ko sa araw ng Linggo, iyong parang napakabagal ng mga sandali. Mga pagkakataong makapagsisimba kahit paminsan-minsan lang; mga lumang tugtugin sa radyo na nakapagpapatimpi ng kalooban; movie marathon sa tablet o sa laptop; kapag laban ni Pacquiao, manonood ng libre sa sports complex ng siyudad; malling kasama ng mga bata kung sobra sa budget. Parang tigil-putukan matapos ang matagal na digmaan.Ngunit dahil mahaba ang bakasyon simula sa susunod na Miyerkules dahil sa obserbasyon ng Semana Samanta, para sa Linggong ito, papasok muna ako. Saglit lang dumaan sa simbahan kanginang pag-uwi kahit mag-isa, sa dyurasik na selpon nakinig ng mga kaganapan sa labang Pacman-Bradley, panakaw-nakaw ng mahalagang tulog, pasulat-sulat ng kung anu-ano para sa kapanatagan ng isip. Oo . . . parang di-matuldukang digmaang hindi mahanapan ng kasagutan.

 

RIGMAROLE

Marso 18, 2014

Sa sakayan kangina, nadaanan ko ang tatlong binatilyo na high school student. Nag-aabang din sila ng masasakyan. Nakiki-text ang isa sa dalawa kasi naubusan daw ng load at kailangang mai-text ang girlfriend. Sabay pa siyang kinutya ng dalawa: “Tang’na mo! Syota-syota ka at pa-selpon-selpon, wala ka namang pan-load!” Saka sabay siyang pinagtawanan. Lihim din akong natawa. Nakapa ko tuloy ang dyurasik kong selpon sa kanang bulsa ng pantalon ko. Kung noong panahon ko (halata na talaga ang pagtanda) ay uso na ang selpon at facebook, ang dami ko rin sigurong niligawan at naging girlfriend gaya ng namomroblemang binatilyo. Jejemon din siguro ako ngayon. Mabuti na lang sa intermediate pad o sa yellow pad at mabangong stationery pinadadaan ang mga himutok ng puso noon. Ngunit sa kaso ko, palara ng sigarilyo ang pinili kong gawing sulatanan, sa malabong katwirang kapag pinahalagaan, aba, e daig na daig ko pa ang tumama ng jackpot sa huweteng. Walang nabola. Totoo. Hinala ko nga, pagkatanggap, diretso sa basurahan ang kawawang palara. Pero walang pagsisisi. Sa karanasang iyon, nakilala ko ang sarili. Mangingibig pala ako ng mga salita. At luminaw nga sa akin iyon sa kasusulat sa palara! Eto ang resulta. Writer –kahit humbug lang!

Ngunit, sa totoo lang, sinasabi ko lang ito dahil hirap akong magbasa ng Jejemon text.

McMUFFIN

Marso 17, 2014

Pumila ako sa McDo kanginang umaga para sa stub ng libreng Mcmuffin. Gusto kasi ni Bunso. Kesa magmarakulyo, hinabaan ko ang pisi ng pasensiya sa pakikipila sa mga nagagalak na tulad kong ‘instant suki’. Maliit nga ang mundo at puno ng ironiya. Kilala ko kasi ang mukha ng sinusundan kong payat na babae. Kasama niya at nakapila rin ang isang dalagita at tatlong maliliit na bata na sa tingin ko ay mga pamangkin niya; at suot pa niya (sa pagmamadali siguro) ang kanyang uniporme sa pinagtatrabahuang maliit na hamburgeran malapit sa pinapasukang paaralan ni Bunso. Naging parang totoo sa paningin ko ang malaking ngiti ng istatwa ni Ronald McDonald nang iabot sa akin ng isang staff ang stub ng libreng Mcmuffin.

SWEATLESS MARATHONS

Marso 3, 2014

Kahapon ay nanood ng mga pelikula. Kain at ihi lang ang naging pahinga. Nakalima (tatlong action at dalawang cartoons na pinanood kasama si Bunso) bago sinabi sa sariling “dats enap!”. Movie marathon daw ang tawag doon.

Maghapong tulog ngayon. Naghatid muna kay Bunso sa umaga, natulog na pag-uwi. Gumising ng alas dos para sunduin si Bunso, saka umidlip ulit. Ito (oo, ito nga) ang sleep marathon!

MAPUTLA AT MALAMIG NA PALAD

Pebrero 25, 2014

Totoo kaya?

May nabasa dati sa pambalot ng tinapa na para malaman kung kasalukuyang high sa prohibited drugs ang isang tao, “tingnan kung maputla ang palad at magpahipo; kung napakalamig ang dantay sa balat kahit mainit ang panahon — POSITIVE!”

Naging gabay ito sa pakikisalamuha at tinuruang laging maghinala. Kapag may nakakadaupang palad at napakalamig ng dantay sa balat, pasimpleng titingnan ang kanyang palad. Kapag maputla — lagi nang iisiping POSITIVE sa paggamit ng droga. Kaya kung nagkataon siguro na naging pulis at na-assign sa Anti-Narcotics, mauubos sa ‘hinala’ ang mga ‘adik’ dito sa bayang sawi.

Kangina ay may nag-abot ng bayad sa dyip. Nagdaop nang bahagya ang aming mga palad sa pag-aabot ng kanyang sukli. Napakalamig! Hindi ko tiniingnan ang kulay ng kanyang palad at ayaw ko ring maghinala. Isang matandang babae!

KALABIT SA SARILI 10

Pebrero 16, 2014

Kapag tumatanda pala, ang daming naiisip hinggil sa buhay at kung paano nakipamuhay; sa pagitan niyon, sasagi ang alaala ng mga taong naririto noon at ngayon ay wala, saka makikita ang presensiya ng kasalukuyang nasa tabi.

Halimbawa, kangina habang nagbibihis, pagyuko, saglit na kumirot ang tuhod ko. Nakita ko sa balintataw si Papa at Inda at Tita, hawak-hawak din ang bahagi ng kanilang katawan na sumasakit. Ano kaya ang kanilang gamot para rito? Kagaya ko rin siguro na ang generic name ay tiis. Itong si Misis na nasa loob ng kulambo, paminsan-minsan ay idinadaing ang likod niya, alam kong pareho kami ng gamot. Tiis nga. At nabanggit na lang si Misis, ang dami pala naming pagkakaiba. Matangkad ako, petite siya; pango ako, matangos ang ilong niya; wala akong selan sa pagkain, sobrang selan niya. Pero bukod nga pala sa “tiis” na gamot para sa nararamdaman, mayroon pa nga pala kaming pagkakapareho. Sa pamasahe sa dyip, muntik-muntikanang madalas kaming nabibigyan ng diskuwento. Ang pagkakaiba lang, siya bilang ‘student’, at ako –bilang ‘senior citizen’. Ngunit siyempre, biro lang itong huli.

VALENTINE’S GREETING

Pebrero 14, 2014

Isang araw, magsisimula kang magmahal at hindi aakalain na ang makatutugon ng damdamin mo ay hindi ang iniisip mong prince charming. Siya pala ang nagbabalatkayong ogre na may tagabulag at mag-aanyong maginoong prinsipe sa sansaglit mong pagkalito; magpapahalik ka at ipagkakaloob mo sa kanya ang iyong puso (hahatiin niya sa maraming piraso o kaya ay pupulbusin, saka itatapon — oo, itatapon — hanggang sumaiyo ang pakiramdam na maraming nawala dahil sa letseng pag-ibig ) at maiisip mo, ganito pala ang magmahal. Puno ng pagkabigo at luha. Para ka ring isinumpa.

Ngunit mapalad ka pa rin. Ang ogre na napatapat sa iyo ay totoo talagang nagmamahal. Hindi ka man itinira sa palasyo ngunit buo pa rin ang iyong puso.

Happy Valentine’s day!

KALABIT SA SARILI 9

Pebrero 12, 2014

Isa sa mga natutuhan ko ay iyong mahirap tanggalin sa sarili ang alinmang nakasanayan.

Halimbawa, ayaw na ayaw ko noon sa Ginebra dahil sa die-hard Ginebra fan na kapitbahay. Gusto ko lang asarin, kaya kahit anong team, basta kalaban ng Ginebra, doon ako kakampi. Asar na asar sa akin ang die-hard fan na kapitbahay. Nagkaroon ako ng maliit na libangan.

Kahit ngayon, hindi na nakatira sa dating tinirhang bahay (nawasak na), at wala nang kontak sa inaasar na kapitbahay, kampi pa rin ako sa kalabang team ng Ginebra. Wala, e. Nakakaramdam pa rin ng konting tuwa sa ginagawa.

Ngunit naiintindihan ko na ngayon kung bakit aliw na aliw tayo sa pang-aasar sa mga taong malalapit na kakilala. Iyon bang tipong maiiyak na at sumpain na tayo sa sobrang inis sa atin. Hindi, hindi dahil gusto nating makalikha ng kaaway; kundi masarap lang talaga — na madama– na mayroon tayong sense of belonging.

KALABIT SA SARILI 8

Pebrero 10, 2014

May mga gabi na tumutugtog ang grupong bulag kapalit ng donasyon sa madilim na daang iyon malapit sa lumang gusali ng dating kumpanyang Nikon sa Malinta Exit, Valenzuela. Hinaharana nila ang mga taong nagdaraan. Ang totoo, sintunado ang kanilang mga boses, wala rin sa tono ang bagting ng gamit nilang gitara, mga lumang awitin pa ang mga madalas nilang kinakanta. Ngunit ewan ko sa iba, sa akin ay ayos lang. Kayang pagpasensiyahan ang gayong kaliit na kakulangan gaya ng kanilang kapintasan. May pakiramdam pa nga na lugi yata sila sa kanilang ginagawa. Iniisip ko ang isang maliit na konsiyerto sa isang mapanglaw na daan, dinadaanan ng mga animo robot na walang tenga at mata, o ng mga kulang palad na makadukot sa mga sariling bulsa. Guilty ako sa bahaging ito. Kasi, sa mga gabing naroroon sila, sakay naman ako ng shuttle bus ng pinapasukan kong kumpanya, kampante sa pagkakaupo hanggang maihatid sa Monumento. Tanaw lang ang nagagawa ko mula sa bintana. Saka ang mag-asal na may malasakit na gaya ngayon na kinakalabit ko ang sarili. Itong huli, mukhang kailangan ko talagang gawin. Sa ganitong paraan man lang, masabi kong hindi ako naging bulag na hindi nakita na sa sintunadong tinig ng grupong iyon na umaawit kapalit ng donasyon, sila pa, sa kanila ngang awit, ang higit yatang nakapagbibigay ng limos sa mga nagdaraan sa mapanglaw na pook na iyon.

At walang ginawa/nagagawa ang marami (hindi nga ako) kapalit ng inilalako nilang tinig.

KALABIT SA SARILI 7

Pebrero 6, 2014

Peborit ko ang kamatis kaya may pakiramdam akong ‘napagdadamutan’ na bawal pala ito kung mataas ang uric acid; bawal din pala ang mani (paborito kong kutkutin kapag nagbibiyahe); at isinama pa talaga ang sitaw (kamanyang sa kapampangan na kinababaliwan ko sa lutong adobo). ibinawal na yata lahat kakutsaba itong tuhod ko at bewang na nakakaramdam ng kirot sa tuwing nakakakain niyong mga ‘ipinagbabawal’.

Masarap ang ulam kangina. pritong manok. may mufran (tawag ko sa ketsap) at mang tomas sa ref, pero pinakapili-pili ko ang ‘nagtatagong’ mapipintog na kamatis upang gawing sawsawan. Tunay na matigas talaga ang ulo ko!

Ngayon, alam ko na, kumbakit kahit bawal na bawal din, marami ang natutukso at naglulunoy sa kasalanan. Pilosopong sagot, siyempre (kahit hindi naman talaga uubra): “Puwede namang mangumpisal at humingi ng tawad.”

At sa kaso nitong mamaya lang ay mananakit ko na namang bewang at tuhod, patawarin ang sagot ko kahit hindi uubra: “May anting-anting akong katinko.”!

KALABIT SA SARILI 6

Nobyembre 2, 2013

Sa bus, kahit nakapikit ako ay naririnig ko ang paniniket ng kundoktor sa mga pasahero. Parang musika sa tenga ang mga pagbanggit sa mga pamilyar na lugar at ang tunog ng binubutas na tiket.Cabio po, apat, kaming tatlo at iyong babaing mataba sa upuang iyon. San Simon, dalawa, istudyante. Arayat, senior. Sta. Ana. Laug.San Carlos. Piring.

Malapit na sa tapat ko ang konduktor, sasabihin ko, Sto. Domingo bilang ambag na tunog sa awiting nabubuo sa aking isipan. Ngunit gusto ko munang ituloy ang pagpikit. Gusto ko munang namnamin ang saliw ng nalilikhang tunog na mga itong kayang pataubin ang alinmang sikat na kanta ng One Direction.

KALABIT SA SARILI 5

Oktubre 29, 2013

Kanginang hapon, nakipaglaro ako ng chess sa may edad nang lalaking madalas kong nakakalaro ng chess sa Pantalan (tabing dagat kaya iyon ang tawag sa lugar). Malakas siyang manlalaro. Kung karaniwang araw lang, tabla lang ang magandang magagawa ko. Ngunit kangina, pambihira, apat na beses ko siyang tinalo na walang palag! Tutok talaga at ingat lang ang sikreto. Sabi ko sa kanya, tiyamba lang at wala siya sa mood kaya nagkagano’n. Tinanggap niyang gayon nga at maluwag sa loob siyang ngumiti. Umuwi na ako para gumayak nang pumasok sa trabaho.

Hanga ako sa nakalaro kong may edad nang lalaki. Maluwag niyang natatanggap ang pagkatalo sa mahinang manlalaro na kagaya ko. Ako, iba. Aaminin ko. . . hanggang ngayong sandaling ito ay nasa isip ko pa rin ang naging pagkatalo ko sa ginaganap na annual chess tournament sa pinapasukan kong pabrika. Noong sabado lang nangyari. Blunder. Nakainan ako ng mahalagang opisyal sa end game. Tuwang-tuwa ang kalaban ko. Parang leon na lumalapa ng tupa. Kay lakas ng ungol! Defending champion ba naman ang biktima. . .

Ang saklap!

KALABIT SA SARILI 4

Setyembre 11, 2013

http://ph.news.yahoo.com/child-bride-yemen-dies-internal-bleeding-wedding-night-165832059.html

Pambihirang kultura!

May tawag dito kung sa bayabas. Bubot (o iyong murang-mura) at paputukin (kung manibalang). Solb at aprub kung manibalang, masarap nang kagatin at may tamis ang lasa pagdantay sa dila. Sa bubot, kakailanganin mo pang idildil sa asin para matalo ang lasang mapakla. Ngunit sa probinsiya noon, bubot man o paputukin, pagagalitan ka ng Lolo Toto kung pupupol ka sa bakuran. Aasbaran ka niya ng palo. Saka lilitanya, “Diyaskeng bata, ire! Ba’t ‘di pahinugin nang husto’t nang pati mga ibon ay makinabang!”

Ngayon– dahil hindi bayabas itong bata sa link, lupa na lang ang sa kanya ay magpapala.

Murit la!

KALABIT SA SARILI 3

Setyembre 1, 2013

Binalak ko kagabi na gumising nang maaga at mag-jogging ngayong araw. Kaso, napasarap ako sa panonood sa isinapelikulang buhay ni Bruce Lee na ginampanan ng mismong sariling anak na si Brandon Lee. Medyo corny at over acting pero okey lang. Gusto ko lang namang malaman ay kung paano siya namatay.

Tinadana! Akalain mong pati iyon ay ipagkakait sa akin? Basta sinabi, na-coma, tapos, ending na. Ang gusto raw maalala ng narrator ay kung paano siya (Bruce Lee) namuhay at hindi ang kanyang kamatayan.

Okey, aamininin ko na lang, ang gusto ko lang sa pinanood ko, nalaman kong naging gulay pala si Bruce Lee sa isang martial arts competition bago naging artista. Sinabihan ng doktor na hindi na makatatayo at makalalakad pa, ngunit dahil sa therapy at pag-ibig (take note: pag-ibig!) ng asawang Amerikana, aba e, nakatayo at nakalakad at naging artista pa! At iyong gumulay sa kanya, iginulay din niya sa isang martial arts exhibition. Ang lupit no’n! Nasa utak ko pa nga. Pag-ibig. ..solb na ako na hindi nakagising nang maaga at nakapag-jogging. Palulusugin ko na lang ang sarili kong pag-ibig.

Hindi ko iboboto si Mar Roxas sa 2016!

KALABIT LANG SA SARILI 2

Hunyo 16, 2013

Kunwari ay isang mabuting ama ako ngayong araw. Naghatid ng lunch para sa aking panganay, kasabay ay bibitbitin kong pauwi ang aking bunso. Nakaupo ako sa isa sa mga bench dito sa eskuwelahan. Sa pagpatay ko sa inip, naihambing ko ang sarili sa pailan-ilang mga mag-aaral sa paligid. Nagbabatobato pick ang dalawang preschool, naghahabulan ang tatlong elementarya, nagtatawanan dahil marahil nagkakabiruan ang magkakabarkadang haiskul, tatlong kolehiyala ang pumapalo ng volleyball sa lawn, at ako , matanda sa kanila — pinupulbos ang utak sa larong chess sa selpon. Naisip ko, katawan lang ng tao ang lumalaki at tumatanda. Ang isip, gaano man kalaki ang pag-unlad, hindi nakawawala sa hilig at pakiramdam ng isang bata.

KALABIT LANG SA SARILI 1

Hunyo 15, 2013

Isang guro sa haiskul ang hindi ko nakalilimutan. Ang totoo, hindi ako nagagalingan sa kanya. Panay kuwento at history. Nakakaantok. Tanyag niyang linya na kinukudkud ko at pinipilit alisin sa bao ng aking ulo: “Tratuhin ng maganda ang sarili kapag may okasyon. Humarap sa salamin at kayo ang unang bumati sa inyong sarili kapag may okasyon.” Ganito raw ang ginagawa niya kapag bertdey niya, Valentine’s day, Pasko, Bagong taon at iba pa.

Hindi ko alam kung buhay pa siya ngayon. Gusto ko sana siyang sumbatan. Gusto ko sanang sabihin: “Ser, sa klase mo noon, ako ang unang nakakatulog. Ako ang unang-unang nakakarating sa mundo ng panaginip. Wala akong natutuhan senyo, Ser. Wala!” At hindi ko aaminin na ginagawa ko sa sarili ang bilin niyang gawin sa tuwing may okasyon. At, sa natuklasan kong obsesyon sa pagsusulat — paminsan-minsan ay nagtutungo ako at naglulublob sa itinuro niyang lugar sa panaginip. Saka ako lalayo at mahinang-mahinang ibubulong para hindi niya marinig: “Salamat!”

Kalabisan nang aminin na may natutuhan pala ako sa kanya.

MASALIMUOT NA PANAGINIP

Mayo 26, 2013

Naiwala ko sa sinakyan kong nagyeyelong bus ang selpon kong haytek. Hindi ko alam kung bakit lumusot sa nagkabutas kong palad habang ako ay nagteteks. Pinanghinayangan ko ang mga naisulat kong marami-rami na ring notes. Parang buong pagkatao ko ang nawala.

Nakatayo ako sa estribo, akma nang bababa. Biglang naging isang bakuran ang kinatatayuan. Tinatanaw ko ang isang matandang punong sampalok, dalawang yakap ko ang laki ng katawan. Kakatwa na gayon na pungos (pinutol marahil ng may-ari) ang dakong taas, walang mga sanga at walang mga dahon, namumutiktik naman at mapipintog ang mga bungang nakasabit sa katawan.

Pumitas ako ng isang bunga. Naging lumang retrato sa aking hawak at hindi ko makilala ang lalaking nakapostura sa papel. Parang ako. Ngunit sa kilatis ko ay ang tatay ko yata. Sa huli — inangkin ko na ako nga!

Saka nag-alarm ang selpon sa uluhan ko. Hinihingal akong nagising. Natuwa sa pagkakabatid na panaginip lang ang tungkol sa selpon na nawawala.

Ngunit ngayong gising, sa kalooban ko — may bagay nga yata sa akin na matagal nang nawawala. . .

ANG BATANG LALAKI

Mayo 26, 2013

Kagabi, nakasalubong ko sa eskinita ang isang tumatakbong batang lalaki. Muntik pa nga niya akong masagi sa kanyang pagmamadali. Iyon pala, hinahabol siya ng ilang tambay. Kung ano ang kasalanan ng bata, nalaman ko sa narinig kong sigaw-banta ng isa sa mga nakikihabol. “‘Tang’na mong loko ka. Iilawan mo pa ng flashlight ang mga mata namin. Lagot ka ngayon!”
Hindi ko alam kung inabutan ng mga humahabol na tambay ang batang lalaki at kung ano ang ginawa sa kanya. Ang alam ko lang, parang nakita ko ang sarili ko sa kanya. Sa sobrang kulit, inilawan ko rin noong bata ako ang ilang grupo ng kalalakihan sa tindahang pinagbilhan namin ng katol ng isa kong tiyahin. Brownout kasi at naaaliw akong patamaan ng liwanag ng flashlight ang madilim na kapaligiran. Nagalit sa akin ang tiyahin ko. Kinuha sa akin ang flashlight at humingi ng dispensa sa mga lalaki. Nakangiti lang ang mga ito sa amin. ginulo pa ng isa ang buhok ko. Ang sabi,”ala pung danyos ita, ” (wala pong problema).

Pagkauwi, panay ang kurot sa akin ng tiyahin ko. Hindi ko raw ba alam ang aking ginagawa? E kung pinaputukan daw kami ng mga iyon? Nagtaka ako. Saka ko lang nalaman, sa paliwanag din niya (hindi ako mahilig mag-obserba), na mga hukbo pala ang mga lalaki.

Matagal na iyon. Halos nakalimutan ko na nga. Naibalik lang sa alaala sa pangyayaring nakasalubong ko kagabi ang isang batang lalaki na hinahabol ng ilang tambay sa kasalanang pinailawan sila ng flashlight sa mata.

Magkaiba ang henerasyon namin ng batang lalaki. Maaaring suwerte ako at malas niya. Sa asal ng aming mga pinagkasalahan, ang maliwanag lang — iba ang may inilalabang prinsipyo sa wala.

 

SI PACQUIAO AT SI MARQUEZ

Disyembre 10, 2012

PAC

Losing a knock out. Getting knock down is not death.
— Bob Arum

Tanda ko pa ang isang nasulat kong komiks iskript(2010 pa at nailathala sa magasing Liwayway). Ang pinagkunan ko ng inspirasyon ay si Pacquiao. Kasikatan niya. Iyong tipong walang sinumang makatatalo. Pinaglaruan ko sa paglalahad. Sa iskript, ipinadukot ko sa isang alien (talunang boksingero sa kanilang planeta) si Pacquiao. Ininom niya ang dugo nito upang kaipala ay maisalin sa kanya ang katangiang bilis at lakas manuntok. Napasakanya nga ang mga katangiang iyon. Bumilis siya at lumakas. Ngunit tinalo pa rin siya ng kampiyong boksingero noong magkaharap sila. Praktisado kasi ito at pinaghandaan nang husto ang laban.

Ganito ko nakita ang PACQUIAO/MARQUEZ 4 na ikinatalo ng Pambansang Kamao. Paghahanda. Gutom. Determinasyon. Dangal. Sariling kakayahan. Mga katangiang nagsabit ng tagumpay sa Mehikano at nagpatalo sa dakilang boksingerong Pilipino.

Hindi ko iisipin iyong lucky punch. Bahagi ito ng laban. Kaya nga dapat na maging maingat. Hindi ko iisipin iyong rosaryo na hindi nakasabit sa leeg. O ang pag-iiba ng paniniwala. Wala naman daw talagang tama o mali kung ito ang pag-uusapan. Ang iisipin ko ay ang dalawang boksingero sa oras na iyon ng kanilang laban. Gusto kong isipin na nasilip ko ang kanilang mga puso. Parehong naroon, matining lang ang bomba ng dugo sa bahagi ng Mehikanong boksingero na may nais patunayan pagkatapos ng tatlong ulit na pagkakabigo.

Losing a knock out. Getting knock down is not death.

Tama marahil ang promoter na si Bob Arum. Bata pa at may ibang pagkakataon pa ulit para kay Pacquiao kung gugustuhin nitong makabawi.

Gusto ko ring isingit dito ang paborito kong linya sa librong ‘The Old Man and the Sea’ ni Ernest Hemingway. Ang sabi: “A man can be destroyed but not defeated.”

At kaugnay nito, itinataas ko ang aking pagsaludo sa dalawang ito na iilan sa magigiting na boksingero ng ating panahon. Para sa akin, bukal sila ng halimbawa na marapat lang paghalawan ng inspirasyon.

Mabuhay!

A LOVE STORY

Hunyo 12, 2012

Kung may magtatanong ng love story namin ni Misis, ganito ko ito ikukuwento:

OJT sa banko si Mare, kliyente naman si Pare. Sabihin nating budul-budol din si Pare. Sulyap kasi nang sulyap si Mare sa kanya, pa-charming, parang nahipnotismo. Dedma lang naman si Pare. Ngunit nang matapos ang transaksiyon niya at makalabas na sa bankong iyon, saka niya naisipang bumalik at gawin ang isang mapangahas na bagay. Kinilala niya si Mare at inalam kung saan nakatira– na siyempre pang pinaunlakan ni Mare. Kaya nang muling lumabas sa bankong iyon si Pare, batid niyang naibulsa na niya ang puso ni Mare.

Manhid ka na yata ngayon. Nalusaw na yata ang damdamin mong madaling maawa. Kapampangan ka. Pampanga ang kinikilala mong ugat ng iyong pagkatao. Ipinagmamalaki mo ito. Sabihin man nilang dugo kang aso. Taas noo ka. Kapampangan ka. Pilipino ka. Ang hindi mo lang talaga magawang ipagmalaki (hindi lang bilang Kapampangan, kundi Pilipino na rin), may kabalen kang ang pangalan ay Gloria Macapagal Arroyo. Duhapang kasi. Batbat ng katiwalian. Akusadong nandaya sa eleksiyon. Akusadong magnanakaw. Natatawa ka nga sa mga napapanood mong balita sa TV ukol sa kanya. Sa erport at papatakas na sana sila ng kanyang asawang Unang Ginoo, hinarang ng Immigration, kuntodo props pa ng brace sa kanyang leeg, may ambulansiya pa, naka-wheel chair pa, malalamlam ang mga mata niyang nagpapaawa, may katawang nagpapahiwatig ng panghihina. Wala kang nadaramang awa sa kalagayan niyang napapanood mo. Nakaismid ka at naniniwala kang arte lamang ang lahat. Dakilang arte ng isang mahusay na artista. Ha-ha-ha! Siguro nga ay manhid ka na. Natutuwa ka kasi sa kinasapitang ito ng kabalen mo na dati pa manding pangulo ng bansa. Nagpipista ang iyong kalooban. Pero ito ang tiyak mo sa iyong sarili, naging manhid ka man, tulak din lamang iyon ng damdamin mong makabayan. May pista sa iyong puso, oo, may pista nga. Sa tingin mo kasi— gumugulong na ang hustisya sa bansa mong sawi. Okey, sige na nga. Gawin mo na ang gusto mong gawin. Palakpakan mo na ang gusto mong palakpakan. Bigyan mo ng pagpapahalaga ang mahusay na akting. Klap-klap-klap! Ha-ha-ha! At sa wakas, naging masaya ka na. Masaya ka na sa mga nasasagap mong balita.