DAKILANG ARTE NG ARTISTA

Mayo 27, 2012

Manhid ka na yata ngayon. Nalusaw na yata ang damdamin mong madaling maawa. Kapampangan ka. Pampanga ang kinikilala mong ugat ng iyong pagkatao. Ipinagmamalaki mo ito. Sabihin man nilang dugo kang aso. Taas noo ka. Kapampangan ka. Pilipino ka. Ang hindi mo lang talaga magawang ipagmalaki (hindi lang bilang Kapampangan, kundi Pilipino na rin), may kabalen kang ang pangalan ay Gloria Macapagal Arroyo. Duhapang kasi. Batbat ng katiwalian. Akusadong nandaya sa eleksiyon. Akusadong magnanakaw. Natatawa ka nga sa mga napapanood mong balita sa TV ukol sa kanya. Sa erport at papatakas na sana sila ng kanyang asawang Unang Ginoo, hinarang ng Immigration, kuntodo props pa ng brace sa kanyang leeg, may ambulansiya pa, naka-wheel chair pa, malalamlam ang mga mata niyang nagpapaawa, may katawang nagpapahiwatig ng panghihina. Wala kang nadaramang awa sa kalagayan niyang napapanood mo. Nakaismid ka at naniniwala kang arte lamang ang lahat. Dakilang arte ng isang mahusay na artista. Ha-ha-ha! Siguro nga ay manhid ka na. Natutuwa ka kasi sa kinasapitang ito ng kabalen mo na dati pa manding pangulo ng bansa. Nagpipista ang iyong kalooban. Pero ito ang tiyak mo sa iyong sarili, naging manhid ka man, tulak din lamang iyon ng damdamin mong makabayan. May pista sa iyong puso, oo, may pista nga. Sa tingin mo kasi— gumugulong na ang hustisya sa bansa mong sawi. Okey, sige na nga. Gawin mo na ang gusto mong gawin. Palakpakan mo na ang gusto mong palakpakan. Bigyan mo ng pagpapahalaga ang mahusay na akting. Klap-klap-klap! Ha-ha-ha! At sa wakas, naging masaya ka na. Masaya ka na sa mga nasasagap mong balita.

Mag-iwan ng puna