WALKING DEAD

Oktubre 25, 2016

Nakasakay mo sa dyipni ang dati mong paboritong  barbero. Siya ang takbuhan mo noong pa-bagets ka pa at nahihilig sa tabas na barber’s cut. Ngunit hindi na ngayon, komo tanggap mo nang tumatanda na at dapat iakma ang porma sa edad. Hindi niya gamay ang gusto mong gupit na army cut kaya lumipat ka sa barberyang kakumpitensiya niya. At mula nga noon, hindi ka na napapasyal sa kanya.

Nakasakay mo nga ngayon. Napatingin sa iyo. Pagkuwan, inilayo ang tingin. Ipinako sa malayo, doon sa daang tinatalunton ng sasakyan. Nakuha mo ang kahulugan. May pait para sa kanya ang ginawa mong paglipat ng pinagpapagupitan.

Lalo pang luminaw, komo siya ang unang bababa, malaman mong ang suot niya ay statement shirt pala. Pababa, nakabalandra sa likuran ng suot niyang damit ang katibayan ng pag-amin niya ng pagkatalo sa kakumpitensiya. Mababasa mo: “Army cut sucks!”

At totoo, hindi mo na kailangang manood ng isineseryeng Walking Dead, upang maunawaang sa buhay — ang daming naglalakad na zombie sa mundo.

Mag-iwan ng puna