Mayo 29, 2014

Mayo 29, 2014

Swear, ganito ang nangyari kanginang alas siyete singkuwenta ng umaga. Sa SM Monumento, iyong dating Ever Emporium, sumakay sa karag-karag na dyip na kulay dilaw, waluhan, may palikpik sa tagiliran, iyong tinatawag ng mga mahaharot na Batman. Pagkasakay na pagkasakay, sa tabi ng matandang drayber, bayad agad ng trese pesos, sabay bilin na kung maaari ay pakigising sa Dulong Tangos kung ako ay maiidlip. Hindi yata ako inintindi ni Tatang, habang nagpupuno, itinuloy ang pakikipagkuwentuhan sa kapwa drayber na nakatayo sa kanyang tagiliran. Ayos lang sa akin. Sa pagkakakilala ko sa mga drayber, matandain sa mga gayong mga bagay, pati sa mga nagwawantutri sa pamasahe, kaya wala akong kaba sa alzheimer ni Tatang. Alam ko! Drayber yata ang Papa ko!

Ginising nga ako ni Tatang at sa dulo nga. Pero may mali! Iyon ay sa Hulo. Sakop ng Malabon at hindi Navotas. Sa pagkakaalimpungatan, naitanong sa sarili kung ano ang ginagawa ng bokporokpok na Batman na iyon sa sakayang dapat ay para sa bumibiyaheng Letre, Sangandan, Malabon-Bayan at Navotas lamang? Pero hindi na bale iyon. Magkatapat na magkatapat lang ang kasalukuyan kong kinalalagyan sa dapat kung puntahan. Dagat lang (o ilog ba?) ang pagitan. Sasakay lang ako sa Badeo-Singko ng bangka at patatawid sa ibayo. At iyon nga ang ginawa ko.

Nakatayo habang sumasalunga sa agos ang sinakyang bangka, ayoko munang sisihin ang sarili. Kayganda yatang pagmasdan ng nasasapol ng mga mata kong barungbarong sa kanilang pagkakapit-bisig!

#stressdiary

Mayo 29, 2014
12:55

 

Mag-iwan ng puna