Mayo 30, 2014

Mayo 30, 2014

Kaarawan ngayon ni Kuya Derick. Pinsan ko. Matanda sa akin ng isang taon. Kapitikan ko ng tenga noong bata.

Binisita ko ang phonebook ng dyurasik kong selpon kanginang umaga. Tatawagan ko sana o kaya ite-text. Magantihan ko man lang sana. Hindi, hindi sa kung anumang kabutihang loob na ginawa sa akin, kundi prank call o prank text sana na ikagagalit niya ngunit siguradong ikangingiti at baka dahilan para maalala niya, na may isang panahong bertdey ko rin, pumapel siyang malupit na prankster sa buhay ko na muntik nang hindi magpatahimik sa akin. Ngunit sayang! Wala na pala siya phonebook ko. Naiwala ko nga pala (na-snatch, ang ibig kong sabihin) minsang naglalakad sa Monumento, ang dating mas dyurasik na selpon kong gamit kung saan naroon ang kanyang contact number.

Sayang itong mga inihanda kong text.

“Happy birthday, Honey! It’s been a long time since we bed. Miss it badly. Really!”

Ganito! Ganitong-ganito ang text kasi niya sa akin isang bertdey ko. Nagkataong si Misis ang nakabasa at kalahating araw akong hindi kinibo sa galit. Lumamig lang nang tawagan ko ang prankster at malaman na si Kuya Derick pala.

Ang ibig ko lang talagang sabihin sa sulat ko, Stressdiary, na kapag may pinsan-kakampi kang gaya nito, riot ang buhay pero masaya. Iyon bang “it’s the thought that counts”. At gusto ko iyong naalala niya ako sa kaarawan ko.

Happy birthday, Derick! Masarap yatang bumalik sa pagkabata at magpitikan muli ng tenga!

#stressdiary

Mayo 30, 2014
13:32