KALABIT LANG SA SARILI 1

Hunyo 15, 2013

Isang guro sa haiskul ang hindi ko nakalilimutan. Ang totoo, hindi ako nagagalingan sa kanya. Panay kuwento at history. Nakakaantok. Tanyag niyang linya na kinukudkud ko at pinipilit alisin sa bao ng aking ulo: “Tratuhin ng maganda ang sarili kapag may okasyon. Humarap sa salamin at kayo ang unang bumati sa inyong sarili kapag may okasyon.” Ganito raw ang ginagawa niya kapag bertdey niya, Valentine’s day, Pasko, Bagong taon at iba pa.

Hindi ko alam kung buhay pa siya ngayon. Gusto ko sana siyang sumbatan. Gusto ko sanang sabihin: “Ser, sa klase mo noon, ako ang unang nakakatulog. Ako ang unang-unang nakakarating sa mundo ng panaginip. Wala akong natutuhan senyo, Ser. Wala!” At hindi ko aaminin na ginagawa ko sa sarili ang bilin niyang gawin sa tuwing may okasyon. At, sa natuklasan kong obsesyon sa pagsusulat — paminsan-minsan ay nagtutungo ako at naglulublob sa itinuro niyang lugar sa panaginip. Saka ako lalayo at mahinang-mahinang ibubulong para hindi niya marinig: “Salamat!”

Kalabisan nang aminin na may natutuhan pala ako sa kanya.

Mag-iwan ng puna