KALABIT LANG SA SARILI 2

Hunyo 16, 2013

Kunwari ay isang mabuting ama ako ngayong araw. Naghatid ng lunch para sa aking panganay, kasabay ay bibitbitin kong pauwi ang aking bunso. Nakaupo ako sa isa sa mga bench dito sa eskuwelahan. Sa pagpatay ko sa inip, naihambing ko ang sarili sa pailan-ilang mga mag-aaral sa paligid. Nagbabatobato pick ang dalawang preschool, naghahabulan ang tatlong elementarya, nagtatawanan dahil marahil nagkakabiruan ang magkakabarkadang haiskul, tatlong kolehiyala ang pumapalo ng volleyball sa lawn, at ako , matanda sa kanila — pinupulbos ang utak sa larong chess sa selpon. Naisip ko, katawan lang ng tao ang lumalaki at tumatanda. Ang isip, gaano man kalaki ang pag-unlad, hindi nakawawala sa hilig at pakiramdam ng isang bata.