RIGMAROLE

Marso 18, 2014

Sa sakayan kangina, nadaanan ko ang tatlong binatilyo na high school student. Nag-aabang din sila ng masasakyan. Nakiki-text ang isa sa dalawa kasi naubusan daw ng load at kailangang mai-text ang girlfriend. Sabay pa siyang kinutya ng dalawa: “Tang’na mo! Syota-syota ka at pa-selpon-selpon, wala ka namang pan-load!” Saka sabay siyang pinagtawanan. Lihim din akong natawa. Nakapa ko tuloy ang dyurasik kong selpon sa kanang bulsa ng pantalon ko. Kung noong panahon ko (halata na talaga ang pagtanda) ay uso na ang selpon at facebook, ang dami ko rin sigurong niligawan at naging girlfriend gaya ng namomroblemang binatilyo. Jejemon din siguro ako ngayon. Mabuti na lang sa intermediate pad o sa yellow pad at mabangong stationery pinadadaan ang mga himutok ng puso noon. Ngunit sa kaso ko, palara ng sigarilyo ang pinili kong gawing sulatanan, sa malabong katwirang kapag pinahalagaan, aba, e daig na daig ko pa ang tumama ng jackpot sa huweteng. Walang nabola. Totoo. Hinala ko nga, pagkatanggap, diretso sa basurahan ang kawawang palara. Pero walang pagsisisi. Sa karanasang iyon, nakilala ko ang sarili. Mangingibig pala ako ng mga salita. At luminaw nga sa akin iyon sa kasusulat sa palara! Eto ang resulta. Writer –kahit humbug lang!

Ngunit, sa totoo lang, sinasabi ko lang ito dahil hirap akong magbasa ng Jejemon text.

Mag-iwan ng puna