McMUFFIN

Marso 17, 2014

Pumila ako sa McDo kanginang umaga para sa stub ng libreng Mcmuffin. Gusto kasi ni Bunso. Kesa magmarakulyo, hinabaan ko ang pisi ng pasensiya sa pakikipila sa mga nagagalak na tulad kong ‘instant suki’. Maliit nga ang mundo at puno ng ironiya. Kilala ko kasi ang mukha ng sinusundan kong payat na babae. Kasama niya at nakapila rin ang isang dalagita at tatlong maliliit na bata na sa tingin ko ay mga pamangkin niya; at suot pa niya (sa pagmamadali siguro) ang kanyang uniporme sa pinagtatrabahuang maliit na hamburgeran malapit sa pinapasukang paaralan ni Bunso. Naging parang totoo sa paningin ko ang malaking ngiti ng istatwa ni Ronald McDonald nang iabot sa akin ng isang staff ang stub ng libreng Mcmuffin.

KANGINA

Marso 17, 2014

dagli

 
Sasampa ang batang babae sa pinarang dyip at makikita niya ang nakabalumbon na dalawang dadaanin sa estribo. Dadamputin ng bata, at hindi isasangguni sa umaakay at nakasunod na ina, maliksing ipagtatanong sa babaing nakaupo malapit sa estribo. “Enyo po ‘to, Ale?

Kakapain ng tinanong ang kanang bulsa ng pantalon, saka kakapain ang kaliwa. Sasagot na parang nagulat. “Ay! Akin nga! Ibinayad sa akin ni Mareng Luz. Nahulog siguro kanginang pagsakay ko. Salamat, Neng!” Kukunin ang pera at ibubulsa. Hanga sa batang babae na nakangangang nakamasid ang mga kapwa pasahero.

Nakangiti at puno ng pagmamalaki, aalalayan ng ina sa pag-upo ang batang babae. Hindi magpapahalata, padadaplisan ng maliit at pinong kurot sa tagiliran.