HUNYO 14, 2014

Hunyo 14, 2014

Military time ang format ng orasan ng dyurasik kong selpon. Kangina, naalimpungatan, sinilip ko, 15: 23 ang basa ng halos nakapikit ko pang mga mata. Nakuwenta ko yata habang nakatapak pa ang ulirat sa panaginip, inakala ko na past five na, at lihim kong ikinatuwa. Tinatamad akong pumasok sa trabaho ngayong gabi at tamang-tama ito na mayroon akong maidadahilan. “Naleyt ng gising, e”, sasabihin ko kay Jenny. Kaya, gano’n din lang na past five na, ayon sa bigla kong basa, lalo kong ipinikit ang mga mata. Upang kung aakyat si Jenny para ako gisingin, siya pa ang kagagalitan ko. “Ano’ng oras na? Alam mong alas kuwatro ako gumagayak!” Kaya lang ikinainip ko ang paghiga kaya ipinasya kong bumaba na lang. Napa-“Santisimang mag-ersisyo!” ako nang tingnan ko ang orasan sa ibaba. Wala pa palang alas kuwatro. Kaya hayun, ipinasya na lang na gumayak. Kumain, naligo; ngunit buo ang pasya na magpa-file ng undertime ng alas kuwatro o alas singko ng madaling araw upang makapagpahinga nang maaga. Sa lahat ng mahirap aminin sa asawa, lalo sa mga anak, sa totoo lang, ay iyong liliban ka sa trabaho dahil sa katamaran. Nakakabawas ng yabang sa bahagi ng lalaki!

At bakit ko nabanggit ang napakapersonal na bagay na ito?

Mangyari kasi, habang nakasakay dito sa shuttle bus at nag-a-update sa facebook, napansin kong flooding ngayon sa newsfeed ang ukol sa araw ng mga ama. Bukas pa kung tutuusin, ngunit pinaaga ng mga sabik na netizens. At sa mga nababasa, napapangiti at napapatango ako sa pagsang-ayon sa mga papuri at pagdakila sa mga ama. Gano’n! Gano’n nga ang mga tatay! At ang totoo ay mga vulnerable rin at hindi iyong mga inakala natin noon na mga superman!

At dahil isa rin akong ama, itong paghugot ko ng paa mula sa katamaran ang ituturo kong sariling ambag na testimonya.

#stressdiary
Hunyo 14, 2014
18: 15