HUNYO 08, 2014

Hunyo 8, 2014

Napapadalas itong pagyayaya ni Sandy na pagbibisikleta tuwing Linggo ng umaga, lalo na kung change shift ako at panggabi na kinabukasan ng Lunes. Kunsabagay, bonding moment din naming mag-ama. Iaangkas ko siya sa likod na upuan ng nabiling surplus na Japan bike (hindi natitiklop), yayakap siya sa bewang ko, saka lalarga na kami pa-C4, doon sa dating tambakan daw ng basura, pinaayos ng lokal na gobyerno at ngayon ay tinatawag nang Central Terminal o Centennial Park, o sa mga lokal na residente ng Navotas– C4 lang! Joggingan, taeboohan, bisikletahan, at paradahan ng mga bus na humaharurot sa Metro Manila.

Ipinarada ang bike sa malapit, umupo ako sa breakwater at pinabili ko si Sandy ng dalawang ‘malauhog’ sa abot-tanaw na magbubuko para inumin naming mag-ama. Sinisipsip na niya ang kanya noong bumalik. Hindi niya inabutan ang kinakausap (ini-interogate?) kong batang babae na nakaupo kangina sa tabi ko. Malungkutin ang mga mata ng batang babae! Sobrang mahiyain! Nag-iisa lang, hinala ko ay nakatira lang sa malapit. Dadalawang impormasyon lang ang napiga ko sa mahiyaing bata. Diumano, katorse na siya at hindi nakatuntong ng paaralan kailanman. Kung bakit? Hindi ko nalaman. Binugaw na siya ng mga pagtatanong ko. Saan ko nga ba nabasa ang kaisipang ito? “May kinukuha o idinadagdag ang pagkakaroon o pagkawala ng edukasyon sa isang tao . . . iyon ay ang pagkakaroon o pagkawala ng tiwala sa sarili.”

Saka nga dumating si Sandy bitbit ang mga pinabili ko.

“Uuwi na tayo pagkatapos nito?” tanong ko habang sinisipsip ang nakaplastik na malauhog na buko.

“Opo, Daddy, ” Nakamasid siya sa mga taong nagdya-jogging sa palagid.

Pumepedal pabalik, pinagbabalakan ko ngayon na maghanap ng mahihiramang monopod. Mai-selfie ko man lang itong pagbibisekleta namin ni Sandy. Sa gayon, pagtanda’t ulyanin na, may mababalikan akong retrato o bidyo na may simple ngunit importanteng pangyayari palang ganito sa buhay ko.

#stressdiary
Hunyo 8, 2014
9:53