KALABIT SA SARILI 3

Setyembre 1, 2013

Binalak ko kagabi na gumising nang maaga at mag-jogging ngayong araw. Kaso, napasarap ako sa panonood sa isinapelikulang buhay ni Bruce Lee na ginampanan ng mismong sariling anak na si Brandon Lee. Medyo corny at over acting pero okey lang. Gusto ko lang namang malaman ay kung paano siya namatay.

Tinadana! Akalain mong pati iyon ay ipagkakait sa akin? Basta sinabi, na-coma, tapos, ending na. AngĀ gusto raw maalala ng narrator ay kung paano siya (Bruce Lee) namuhay at hindi ang kanyang kamatayan.

Okey, aamininin ko na lang, ang gusto ko lang sa pinanood ko, nalaman kong naging gulay pala si Bruce Lee sa isang martial arts competition bago naging artista. Sinabihan ng doktor na hindi na makatatayo at makalalakad pa, ngunit dahil sa therapy at pag-ibig (take note: pag-ibig!) ng asawang Amerikana, aba e, nakatayo at nakalakad at naging artista pa! At iyong gumulay sa kanya, iginulay din niya sa isang martial arts exhibition. Ang lupit no’n! Nasa utak ko pa nga. Pag-ibig. ..solb na ako na hindi nakagising nang maaga at nakapag-jogging. Palulusugin ko na lang ang sarili kong pag-ibig.

Hindi ko iboboto si Mar Roxas sa 2016!

BER MONTHS

Setyembre 1, 2013

dagli

Taon-taon, walang nagbabago.

Pagkagising ay isisigaw mo: “Merry Christmas!” At magsisimula ka nang mag-count down. Kung sisipagin, magsisimula ka na ring magpatugtog ng mga awiting pamasko. Pipiliin mo iyong mga lumang-luma. Iyong inihihimig ng mang-aawit na “nagkakapatawaran ang mga tao”, na “nagbibigayan at nagmamahalan ang lahat”. Maiisip mo ang mga kaaway mo, mga inaway, mga aawayin pa at mga pagsusungitanĀ at pagdadamutan. Ber months na. Maiisip mo, madali namang magpatawad at humingi ng tawad, madali ang magbigay. Nasa paligid lang ang simoy at diwa ng papalapit na kapaskuhan.

Samantala, gigising ka muna bago mo magagawa ang mga ito. Kikirot ang baluktot mo nang buto sa likod sa pagtangka mong tumayo. Sisigid ang sakit sa utak mo. Isisigaw mo: “Pesteng rayuma!”