Halaman

Enero 26, 2019

Sa paanan ng isang bundok, puputulan ng sanga ng isang bakasyunistang nanay ang natipuhan niyang nakatubong ligaw na halaman na may iba’t ibang hugis at kulay na mga bulaklak. Itatambak niya ito sa loob ng kanilang pampamilyang sasakyan. Makakauwi mula sa bakasyon, makakalimutan na ng babae sa loob ng sasakyan ang pinungusan niya at iniuwing sanga ng halaman. Ang asawa niya ang makakapansin, dalawang araw ang makalilipas, nang gagayak ito para magsabong sana sa bayan. Halos malalanta na noon at matutuyot na ang sanga ng halaman kaya ibabato na lamang ito ng lalaki sa kanilang bakuran. Gayon sana kasaklap ang magiging kapalaran ng sanga ng halaman. Pero parang makikialam ang kamay ng Maylikha. Lilingapin ito ng anak na dalaga ng mag-asawa kinabukasang makikita ito habang nagwawalis ito ng mga nalaglag na dahon ng mga puno sa bakuran. Magbubungkal ng lupa ang dalaga sa isang sulok, itutulos niya ang nalalantang sanga, araw-araw na pagtitiyagaan na diligan. Ang panimulang hugis na papalantang dahon ng sanga ay magbabagong bihis nang mag-umpisang tubuan ng ugat sa ilalim ng lupa. Noong tumitibay-tibay na ang kapit ng mga paa at magberde at kumapal ang mga dahon, magagandahan ang makakakita na kapatid na binatilyo ng dalaga. Makikitulong na isang araw sa kanyang ate sa paglilipat sa halaman sa binili nilang napakagandang paso. Makikitulong muli sa araw-araw na pagdidilig sa halaman sa kanyang ate ang binatilyo. At isang araw, magba-Valentines day, lalagyan ng binatilyo ng laso ang paso ng namumulaklak na halaman. At makakaramdam man ng hiya, may hihilingin ang binatilyo sa kanyang ate na ikalulungkot man nito ay hindi nito pahihindian. Guguluhin lang nito ng kamay ang buhok ng binatilyo habang napapangiti.

At sa isang paaralang elementarya, dakong hapong iyon, isang dalagita ang mabunsol-bunsol sa galak sa puso sa matatanggap na nakapasong halaman na ang mga bulaklak ay may iba’t ibang napakagandang hugis at kulay.

Mag-iwan ng puna