BUTCHOY

Hunyo 18, 2012

MALAKAS pa rin ang ulan ngayong madaling araw na ito. Nakagayak na ako papasok sa trabaho. Ang problema lang, walang dyip na bumibiyahe. Marami kaming pasahero na hindi makasakay. Inip na inip kaming lahat. Ngunit inip man ako, nananaig pa rin ang ugali kong mapagmasid. Kangina ko pa pinagmamasdan ang dalawang lalaking kapwa pasahero. Malakas ang usapan nila. Panay ang sagot ng isa sa itinatanong ng isa. Sa takbo ng usapan nila, nahuhulaan kong kapwa rin sila empleyado na gaya ko.

“Malalim ba ang baha?”

“Lagpas tuhod daw sa Kahunari. Hanggang bewang naman daw sa munisipyo.”

“Pahirapan ito. Lakarin kaya natin? Makapasok lang.”

“Huwag na! Uuwi na lang ako. Itatawag ko na lang sa HRD ang tungkol sa absent ko.”

Bandang huli, kapwa sila nagkasundo na huwag nang pumasok. Saka pareho nang lumakad paalis sa hintayan. Nakaramdam ako ng inggit habang sinusundan sila ng tingin. Ako, di ko sila kayang gayahin. Kailangan kong pumasok sukdulang lumusong ako sa baha. Takot akong masisante. Kontraktuwal lang kasi ako sa pinapasukan ko. At ilang linggo na lang ang natitira sa kontrata. Kapag nagkataon, gaya ng paglusong sa baha — pahirapan na naman sa akin ang makapasok sa trabaho.

Ilang sandali pa, may isang truck na sugo ng munisipyo na dumating para maglibre sakay sa mga na-istranded na pasahero. Sumakay ako, umupo sa suwelo kasama ng iba pa. At sa kalagayang iyon, sinubukan kung bumigkas ng ilang berso na agad pumasok sa isip ko. Alay ko ito sa sarili ko — at sa dalawang kapwa pasahero na nainip sa paghihintay.

ulan, buhos pa 
kalsada, ilubog pa 
obrero, wag papasukin 
ha’mo nang kapusin sa kanin 
buhos pa 
ibuhos mo pa 
ipadama ang ngitngit 
ipakilala ang iyong lupit 

Mag-iwan ng puna